Pinakamalaking bacteria sa buong mundo, natuklasan ng mga scientist sa Caribbean!

NATAGPUAN ng mga marine biologist ang tinaguriang “world’s largest bacterium” sa isang mangrove swamp sa Caribbean.

Halos lahat ng mga bacteria ay microscopic o sobrang liit at hindi makikita gamit lamang ang ating mga mata. Kinakailangan ng microscope upang makita ang mga ito.

Pero may isang bacteria na sa sobrang laki, hindi na kailangan ng microscope para makita ito. Tinawag ang bagong tuklas na bacteria na, “Thiomargarita magnifica”.

Ayon sa nakatuklas nito na si Olivier Gros, maihahalintulad ang laki ng Thiomargarita magnifica sa isang hibla ng pilikmata.

Unang natuklasan ito ni Gros sa archipelago ng Guadeloupe. Natagpuan niya ito na nakadikit sa mangrove leaves at hindi niya inakala na isa itong bacteria dahil sa laki nito. Sa tulong ng genetic analysis, napag-alaman nila na isa itong single bacterial cell.

Maraming namangha na mga siyentipiko sa natuklasang bacteria dahil makakatulong ito sa mga pagsasaliksik kung ano ang limitasyon ng isang cell sa sukat na maaari nitong ikalaki.

Hanggang ngayon, walang malinaw na kasagutan kung bakit malaki ang Thiomargarita magnifica ngunit may hypothesis si Gros na maaaring isa itong adaptation ng bacteria upang makaiwas ito na makain ng ibang mga maliit na organism.

Show comments