Dear Attorney,
Ayon po sa kompanya namin, wala raw kaming retirement plan. Fifteen years na po kasi ako sa pinapasukan kong kompanya at plano ko pong magretiro pagtungtong ko ng 60 anyos sa susunod na taon kaya nagtanong ako sa management ukol sa retirement. Kung walang retirement plan ang kompanya, wala bang matatanggap na kahit anong benepisyo mula sa kompanya ang empleyadong magreretiro?—Jose
Dear Jose,
Kung ikaw ay nagtatrabaho sa isang establisemento na may higit sa 10 empleyado ay may matatanggap ka pa ring retirement benefits kahit na walang retirement plan ang iyong employer.
Malinaw na nakasaad sa Article 302 ng Labor Code na kung walang retirement plan o anumang kasunduan sa pagitan ng employer at empleyado ukol sa pagreretiro, ang isang empleyadong may edad na hindi bababa sa 60 anyos at hindi lalampas ng 65 anyos ay maaring magretiro, sa kondisyon na siya ay nakapagtrabaho na sa kanyang kasalukuyang employer ng hindi bababa sa limang taon. Sa ilalim ng nabanggit na probisyon ay makakatanggap ang retiree ng kalahating buwang sahod kada taon ng kanyang naging serbisyo.
Kaya sa kaso mo, maari ka nang magretiro pagtuntong mo ng 60 anyos sa susunod na taon. At dahil 15 taon na ang iyong naging serbisyo, ikaw ay may karapatang makatanggap ng retirement pay na katumbas ng 15 beses ng iyong kalahating buwang sahod.
Sa pagkompyut ng tamang halaga ng kalahating buwang sahod ay kailangang nakabase ito sa kung magkano ang sinusuweldo ng empleyado nang siya ay magretiro.
Kailangan ding idagdag sa pagkompyut nito ang 1/12 ng kanyang matatanggap na 13th month pay at ang cash equivalent ng hindi hihigit sa limang araw na service incentive leaves.