^

Punto Mo

Tanawin sa langit  

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

TUWING tumatanaw tayo sa langit, una nating nakikita ang mga ulap na magkakaiba ang mga hugis. May makakapal at maninipis, balu-balumbon o kalat-kalat o siksikan, at iba pang mga pormasyon nito. Sa maghapon ay masisilayan natin ang araw habang sa magdamag naman ang buwan at mga bituin. Bukod pa diyan ang iba’t ibang klase ng mga ibon na tumatawid sa ating paningin habang tumitingin tayo sa kalangitan.

Kapag masama ang panahon na madilim ang mga ulap, umuulan nang mahina o malakas at may mga sandaling namamalas ang pagguhit ng mga kidlat sa pisngi ng mga ulap. Pinanonood at pinananabikan ng mga tao kapag nagaganap ang tinatawag na solar eclipse at lunar eclipse na tila naglalaro ang Araw, Buwan at Daigdig.

Sa gabing maaliwalas ang panahon, may mga pagkakataong nasisilip sa itaas ang ibang mga planeta tulad ng Mars, Jupiter, Saturn, Mercury at Venus.  Naging laman na rin ng hindi na mabilang na mga kuwento ang mga bulalakaw na pumapasok sa atmospera ng ating planeta.

Sa pag-unlad ng sibilisasyon ng tao, siyensiya at teknolohiya, nadagdagan ang mga bagay na nakikita sa langit. Pamilyar nang tanawin sa kalangitan ang mga eroplano at helicopter mula pa nang unang maimbento ito at hanggang mapaunlad ang mga ito mula noong unahan ng 20th century. At unti-unti, nakakakita na ng mga maliliit o malalaki at iba’t ibang klase ng satellite na lumilipad sa ere o sa orbit ng daigdig at ginagamit sa komunikasyon, pagkalap ng kailangang impormasyon at ibang larangan.

Prominente rito ang space laboratory na tinatawag na International Space Station na proyekto ng maraming bansa. Bukod pa sa mga ito ang mga rocket na pinalilipad mula sa daigdig patungo sa  orbit ng mundo o sa ISS o ibang planeta o yaong bumabalik sa  daigdig mula sa kalawakan. At, siyempre pa, ang mga drones.

Isa sa masasabing kontrobersiyal na tanawin sa kalangitan na napapaulat na merong mga nakakakita ang tinatawag na UFO (unidentified flying object) na nakasanayan  nang tumutukoy sa mga alien o mga nilikha mula sa ibang planeta o ibang sulok ng universe. Marami nang dekada ng mga imbestigasyon ang isinasagawa rito sa iba’t ibang bansa pero hanggang sa kasalukuyan, wala pang lumalabas na matibay na pruweba rito. Kahit may mga ulat na nagpapakita ng video o litrato ng nakikitang UFO sa ilang bahagi ng mundo, lumalabas na peke ang mga ito.

Matagal na ring nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga napapaulat na nakikitang UFO ang mga pamahalaan ng iba’t-ibang bansa tulad ng United Kingdom, United States at Europe pero walang lumalabas na positibong resulta. May mga naghihinala nga na inililihim na lang ng mga gobyerno ang kinalalabasan ng mga imbestigasyon o mga isinasagawa nila hinggil sa mga UFO.

Maging ang National Aeronautics and Space Administration (NASA) ng United States ay nagpasya nang magsagawa ng seryosong imbestigasyon sa mga ulat hinggil sa mga UFO na dumadalaw umano sa ating planeta.

Ipinahayag ng NASA noong nakaraang linggo na bumubuo na sila ng isang grupo ng mga scientist para suriin ang mga ulat hinggil sa mga unidentified aerial phenomena na mas kilala sa tawag na UFO. Pambihirang tanawin ba sa kalangitan ang UFO o ito’y haka-haka o bungang-isip lamang?

• • • • • •

Email- [email protected]

CLOUD

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with