SI Somchai ay lalaking Thai. Noong nasa high school ay hirap na hirap siya sa pag-aaral. Mahina kasi ang kanyang ulo kaya naisipan niyang bumili ng amulet para sa pag-aaral. Hindi naman siya naging honor student pero tumaas ang mga grades niya simula noon. May isang pagkakataon na nahaling siya sa pagpusta kapag may laro ng soccer sa kanilang lugar. Palibhasa ay mga high school pa lang, maliit na halaga ang pustahan—20 Baht. Kaso lagi siyang talo sa pustahan.
Minsan, isang kaibigan ang nagrekomenda na gumamit siya ng Kumantong amulet na pampasuwerte sa sugal. Bumili siya sa amulet shop. Tinuruan siya ng tindera kung ano ang uusaling orasyon. Ang Kumantong amulet ay maliit na korteng toddler na pininturahan ng gold.
Bukod sa orasyon, kailangan itong alayan ng gatas araw-araw na parang nag-aalaga ng bata. Paminsan-minsan, dapat itong alayan ng kendi o laruan. Hindi naman nabigo si Somchai dahil tuwing makikipagpustahan siya tuwing may larong soccer sa school, lagi siyang nananalo.
Nang minsang nag-championship game sa soccer pumusta siya ng malaki: 500 baht. Kagaya ng dapat asahan, nanalo siya ng 1000 baht. Pero may tatlong bully na nakaalam na nanalo siya kaya pilit na hinihingi sa kanya ang napanalunan.
Pagtutulungan na sana siyang bugbugin nang biglang may sumulpot na batang lalaki at paulit-ulit na nagpatunog ng pito. Napansin iyon ng mga pulis na nagpapatrulya kaya nagtakbuhan ang mga sigang estudyante. Ang bata naman ay naglahong parang bula.
Pag-uwi sa bahay, napatitig siya sa mga laruang binili niya para sa Kumantong amulet. Isa na rito ang laruang pito ng pulis. Paniwala niya, ang batang tumulong sa kanya ay walang iba kundi ang kanyang amulet na nagkatawang tao para siya iligtas.
Sa paglipas ng panahon, naglaho na ang amulet ni Somchai. Ganoon daw ang karamihan sa mga Thai amulet, sadyang naglalaho kapag napagsilbihan na nila ang nagmamay-ari sa kanila.