NABILI ng isang Boston developer sa halagang $1.5 million ang isang haunted house sa Rhode Island. Naging tanyag ang bahay na ito matapos maging inspirasyon ang mga pangyayari rito ng 2013 horror movie na “The Conjuring”.
Sa panayam sa nakabili na si Nancy Nunez, wala siyang balak gibain ang haunted house at balak niyang ipagpapatuloy ang nasimulan na business ng previous owner nito na sina Cory and Jennifer Heinzen.
Taong 2019 nabili ng mga Heinzen ang haunted house at ginawa nila itong tourist attraction para sa mga fans ng pelikulang “The Conjuring”. Gabi-gabi ay may paranormal investigation, sa umaga ay may mga day tours at may nagaganap din na mga livestreaming events.
Hindi sa mismong tahanan nag-shooting ang “The Conjuring” pero sa mga katatakutan na naganap dito noong 1970s ibinase ang kuwento ng pelikula.
Ayon kay Nunez, wala pa siyang nararanasan na kababalaghan sa nabili niyang haunted house. Pero bilang bagong may-ari, handa siya na maranasan ito.