Hokkaido, Japan. Taon: 1918. Ibinili ni Eikichi Suzuki ng isang Japanese porcelain doll ang kanyang bunsong kapatid na babae na si Okiku. Ito ang kauna-unahang manika ng bata kaya minahal niya ito nang labis. Araw-araw ay sinusuklayan niya ang buhok ng manika. Hindi inihihiwalay ni Okiku ang manika sa kanyang katawan. Nahumaling siya nang labis sa kanyang laruan.
Isang araw, nagkasakit si Okiku. Akala ay simpleng lagnat lang pero malalang influenza pala ang kumapit sa kanya. Nang magtagal, namatay ang bata. Upang magkaroon ng alaala si Okiku, ang Japanese porcelain doll ay iginawa nila ng altar sa bahay. Habang tumatagal ay napapansin nilang ang buhok ng manika ay humahaba. Ang buhok na dati ay hanggang balikat ay umabot na sa tuhod.
Tinanggap lang ng pamilya ang pangyayaring ito nang walang pag-aalala dahil wala pa sa kanilang kamalayan ang tungkol sa manikang sinasapian ng masamang espiritu. Ang hinala nila ay sinasapian ng kaluluwa ni Okiku ang manika. Kaya ang tanging ginagawa lang nila ay gupitan ang buhok.
Pagsapit ng 1938, ang pamilya ay lumipat ng tirahan. Naisip nilang ibigay ang manika sa mga monk ng Mannenji temple sa kabila ng katotohanang wala namang perwisyong ginagawa ang manika sa kanila. Medyo nababahala lang sila dahil sa walang tigil na paghaba ng buhok nito. Ayaw naman nilang itapon dahil baka tama ang kanilang hinala na naroon ang espiritu ni Okiku. Naniniwala ang pamilya na mas alam ng mga monk ang dapat gawin sa manika kaysa kanila. Tinanggap ng mga monk ang manika kahit ipinagtapat ng pamilya ang hiwagang nangyayari dito.
Hanggang ngayon, nasa poder ng Mannenji temple ang Okiku doll. Nakadispley ito sa kanilang altar. Regular nilang ginugupitan ito. Nang ipasuri ang buhok sa laboratory, ito raw ay buhok ng tao.