Dear Attorney,
May anak po sa labas ang namayapa kong ama. Gusto ko lang po sanang malaman kung may karapatan sila sa mga naiwan niyang ari-arian.
—Gelly
Dear Gelly,
May karapatan ang mga illegitimate children o anak sa labas na magmana mula sa kanilang mga magulang. Nakasaad sa Article 887 ng Civil Code na ang mga illegitimate children ay compulsory heir. Ibig sabihin, kahit ang isang “anak sa labas” ay may karapatan sa mga naiwang ari-arian ng kanyang magulang dahil isa siya sa mga itinakdang tagapagmana sa ilalim ng ating Civil Code.
Malinaw rin na nakasaad sa Article 176 ng Family Code na may karapatang tumanggap ng legitime o mana ang isang illegitimate children na katumbas ng kalahati ng bahaging matatanggap ng isang legitimate child.
Kailangan nga lang na may pruweba ang illegitimate child o anak sa labas para patunayan nila ang kanilang relasyon sa kanilang magulang.
Maari nila itong patunayan sa pamamagitan ng kanilang birth certificate kung saan nakasaad doon na kinikilala silang anak, mga public documents kung saan nakasaad ang relasyon nila sa kanilang magulang katulad ng Affidavit of Acknowledgment o Admission of Paternity, at mga pribadong dokumento na nasa sulat-kamay mismo ng magulang kung saan kinikilala nito ang kanyang illegitimate child.