Dear Attorney,
Tanong ko lang po kung kailangan ba na kumuha ng psychiatrist kung magsasampa po ako ng kaso para mapawalang bisa ang kasal ko dahil sa psychological incapacity. Para matantya ko na po ang gagastusin ko sa isasampa ko pong kaso. Gusto ko rin po sanang malaman kung kailangan bang umattend ako sa lahat ng hearing ng kaso? — Mina
Dear Mina,
Una, hindi sa lahat ng kaso para sa pagpapawalang-bisa ng kasal ay kailangan ang serbisyo at testimonya ng isang psychiatrist. Kadalasan ay kumukuha ng psychiatrist kapag ang ground o ang dahilan ng pagpapawalang-bisa ng kasal ay ang tinatawag na psychological incapacity.
Ang psychological incapacity ay tumutukoy sa kawalan ng kakayahan ng isang tao na gampanan ang kanyang mga marital obligations. Aandar naman ang kaso kahit walang psychiatrist na testigo, ngunit mahalaga ang testimonya ng isang psychiatrist dahil kailangang maipakita sa korte ang takbo ng pag-iisip ng asawa na sinasabing may psychological incapacity.
Sa madaling sabi, bagama’t wala naman sa rules na nagsasabing kailangang may witness na psychiatrist ang isang magsasampa ng petition for nullity, mahirap kung wala ang expert na opinyon ng isang psychiatrist na siyang maaring pagbasehan ng korte kung may psychological incapacity nga ba ang isang asawa.
Ukol sa pangalawa mong katanungan, hindi mo naman kailangang daluhan ang lahat ng hearing para sa iyong petisyon. Kakailanganin mo lang na humarap sa korte kapag pre-trial, kapag ipe-ipresenta na ang iyong salaysay o testimony bilang witness, o kapag ipinag-utos mismo ng judge na dumalo ka sa pagdinig.