Sangkaterbang coding scheme!
INAKALA noong una na dahil sa serye ng mga big time oil price hike, eh mangongonti ang mga sasakyan sa lansangan.
Kaya mismong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nagsabing hindi pa napapanahon para palawigin ang ipinatutupad na number coding.
Pero pansin sa kasalukuyan na imbes na mabawasan ang mga sasakyan sa lansangan, pabigat na nang pabigat ang daloy ng trapiko partikular sa kahabaan ng EDSA at mga pangunahing daan.
Kaya naman dahil dito, pinag-aaralan na ng MMDA na magpatupad ng bagong number coding scheme.
Layon nito na mabawasan ng nasa 50 porsiyento ang mga sasakyan sa lansangan para maibsan ang trapik.
Pinag-aaralan nila ang posibilidad sa pagbabalik sa odd-even at ang modified number coding scheme.
Katwiran ng MMDA na sa kasalukuyang number coding na ipinatutupad nababawasan lamang sa 20 porsiyento ang mga sasakyan sa lansangan, pero kung ang dalawang number coding scheme ang maipapatupad halos nasa 50 porsiyento ang mababawas.
May rekomendasyon din ang ahensya ng tinatawag nilang Daylight Saving Time. Nakapaloob dito na masimulan sa alas -7:00 ng umaga ang pagbubukas ng mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila at magtatapos ng alas- 4:00 ng hapon para maiwasan ang pagsabay-sabay ng mga sasakyan sa lansangan sa mga pribadong tanggapan.
Sangkaterba na ang mga scheme na ito, baka naman tuluyan nang malito ang mga motorista.
Anu’t-anuman, hangad natin na mapabuti ang lagay ng trapiko ngayong bumabalik na tayo sa normal, kaya naman balik na ang trapik na ito ang itinuturing normal sa NCR.
- Latest