TUMATAAS na ang mga kilay ngayon ng mamamayan kapag naririnig ang doktrinang pampulitika na Vox Populi Vox Dei (The voice of the people is the voice of God). Sinasandalan kasi ito ng mga kandidatong nagpapaindorso pa sa iba’t ibang sekta ng relihiyon at may ibang paluhod-luhod pa sa harap ng altar. Meron tuloy nagbibiro na baka raw ihinihingi na nila ng kapatawaran ang gagawin pa lamang nilang kasalanan sa bayan. Ano?
Ang pulitikang nakagisnan natin ay balot ng katusuhan na parang walang Diyos na kinatatakutan. May mga nandadaya sa eleksiyon at nagnanakaw sa kaban ng bayan kapag nakaposisyon na. Tiyak na hindi gusto ng Diyos sa langit ang ganoon. Huwag naman sanang maging Vox Avarus Vox Diaboli (The voice of the greedy is the voice of the devil) ang nangyayari.
Nagkukumahog pa rin ang mga kalaban ni Bongbong Marcos na sina Leni Robredo, Isko Moreno, Manny Pacquiao at Ping Lacson dahil walang makalampas sa pulling away survey ratings nito. Akala siguro nila ay si Bong Go o Sara Duterte ang makakalaban nila kaya sumugod sila sa giyera.
Pinag-iisa sila ng 1Sambayan movement noon upang pag-isahin ang puwersa nila bilang oposisyon, pero nagkanya-kanya sila ng diskarte, na tuluyang nagpahina sa bawat isa sa kanila. Sayang ang pinagsikapan ni retired Associate Justice Antonio Carpio at mga kasama nito. Pasensiya na po Justice, tao lang!
Kung isinali siguro at pinag-isa ng 1Sambayan convenors ang kilos at talino ng mga political strategist/campaign managers na tulad nina Ronnie Puno, Ronnie Zamora, Bams Aquino at Lito Banayo ay baka nagkaroon pa ng solido at mabigat na kalaban si Bongbong. Wala nga lang silang ginintuang personal na papakinabangin. Alam na natin yun! Di ba Jonathan dela Cruz at Peter Laviña?