NAKAKALULA ang dami ng medical waste na nakukolekta araw-araw sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), 1,000 metriko tonelada ng medical waste ang iniluluwa ng mga ospital, klinika at laboratoryo. Mula nang manalasa ang pandemya noong Disyembre 2019, dumami ang medical waste na ngayon ay seryoso nang problema. Napakaraming basura at hindi basta-basta basura sapagkat sa maling pagha-handle puwedeng kumalat ang sakit. Sa Lucena, Quezon, nirereklamo ng mga residente ang medical waste sa isang ospital doon na hindi nahahakot at nangangamoy na. Posibleng pagmulan ng sakit.
Sabi ng DENR noong nakaraang Disyembre, meron na silang plano para sa pagtatayo ng COVID waste treatment at storage facilities. Ito raw ang nararapat ngayon na ang bansa ay hinahagupit ng pandemya. Pero kailangan umano nila ng budget para sa pagtatayo nito. Humigit-kumulang na P181.6 milyon ang magagastos para sa binabalak nilang medical o COVID waste facilities. Makikipagtulungan umano sila sa local government units (LGUs) para sa pagtatayo ng COVID facilities sa bawat lungsod at bayan.
Ito ang nararapat gawin ng DENR at dapat pagsikapan para hindi kung saan-saan itinatapon ang medical waste. Dahil maraming iresponsableng laboratoryo at klinika na itinatambak na lamang ang kanilang basurang medical, asahan na magpapatuloy ang pagkalat ng sakit. Ang mga pinagsikapan para mahinto ang pagkalat ng virus ay mababalewala dahil sa mga iresponsableng laboratoryo at klinika.
Gaya nang nangyaring pagkahawa sa COVID ng pitong bata na edad 3 hanggang 11 sa Virac, Catanduanes, makaraang paglaruan ang mga napulot nilang hiringgilya sa tabing aplaya sa Bgy. Concepcion. Ang mga basurang hiringgilya ay itinapon ng isang laboratoryo. Nagpapagaling na ang mga bata. Humingi naman ng paumanhin ang laboratoryo dahil sa pagtatapon ng mga hiringgilya. Dapat parusahan ang may-ari ng laboratoryo dahil sa pagiging iresponsable.
Kailangang kumilos ang DENR at ipursigi ang pagkakaroon ng pasilidad para sa treatment at storage ng medical waste. Kapag hindi nagkaroon nang angkop na pagdadalhan ng mga basurang medical, sa mga ordinaryong basurahan babagsak ang mga ito. Mamumulaklak sa dalampasigan, mga ilog at sapa at kung saan-saan pang lugar at walang tigil sa pagkalat ang sakit. Bilisan sana ng DENR ang pag-aksiyon ukol sa medical waste facilities.