ISANG beteranang astronaut na Haponesang aerospace engineer na dating nagtrabaho sa Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) at nagkaroon ng mahabang karanasan sa kalawakan ang nagpaunlak sa panayam ng isang grupo ng mga maliliit na batang Pilipino hinggil sa buhay ng mga astronaut, sa daigdig, sa ibang mga planeta, spaceship, asteroid, pagkain sa kalawakan, tulugan, black hole at iba pa.
Hindi nabanggit kung kailan nakipagtalakayan sa mga bata ang 51-anyos na astronaut na si Naoko Yamazaki na mahihiwatigang isinagawa sa pamamagitan ng virtual o online interview pero may petsang Enero 11, 2022 ang poste sa website ng Philippine Space Agency (PhilSA) hinggil sa serye ng video ng interview.
Hindi nagdetalye ang video ng PhilSA hinggil sa 10 batang kalahok dito at hindi malinaw kung lahat sila ay nakabase sa Pilipinas o kung ang iba sa kanila ay nasa ibang bansa. Maaaring dahil sa seguridad o sa pagiging menor de edad nila o isyu ng privacy. Makikita sa video ang mga bata na nakilalang sina: Kairos, 7, UP Integrated School; Malaya Balcueva, 6; Arabelle Felicen, 6; Akiko Alexa H Armenia, 10; Mags, 5, NEST School; Daksy, 3; Siena, 12; Lucia, 6; Khelsie Briell, 6; at Laurenzo Miguel, 6.
May mga batang nagsasalita sa Ingles at meron namang nagtatagalog pero lahat sila ay nakikitaan ng interes sa astronomiya sa mura nilang edad. Mahihiwatigang nasa Japan si Yamazaki nang maganap ang panayam pero, sa video, ginawa niyang background ang litrato ng isang bintana ng International Space Station habang natatanaw ang bughaw na daigdig. Retirado na si Yamazaki sa JAXA nang makapanayam ng mga bata.
Gayunman, dahil sa kakapusan sa espasyo, isinusuma ko na lang dito ang ilang mga sagot na pahayag ni Yamazaki na isinalin ko sa Filipino batay sa mga tanong sa kanya:
Sa International Space Station, merong mahigit 300 menu ng space food ang mga astronaut. Karamihan ay freeze-dried para mabawasan ang kanilang timbang sa oras na paliparin sila sa kalawakan at para mapreserba sila nang matagal. May mga space food naman na tulad ng curry o stew ay nakaimbak sa isang pouch. Meron ding de latang prutas at meryendang chocolates at cookies.
Napakagandang tingnan ang paglitaw at paglubog ng araw mula sa kalawakan dahil umiikot ang ISS sa paligid ng mundo nang 16 na beses sa isang araw. Iniikutan nito ang mundo bawat 90 minuto. Kaya sa bawat 45 minuto, merong daylight na nakikita at sa susunod na 45 minuto ay gabi.
Natutulog ang mga astronaut sa isang sleeping bag na nakakabit sa dinding. Dahil sa microgravity, puwede silang matulog sa kisame. Para silang natutulog sa tubig.
Walang makakaing ice cream sa ISS dahil walang refrigerator doon para sa mga pagkain.
Sa tanong kung anong mangyayari sa iyo kapag napasok ka sa black hole? “Hindi ko alam. Kaya dapat patuloy kayong mag-aral at pakisabihan ako kapag natuklasan ninyo ang sagot. Binabanggit ng ilang researcher na maaaring mabanat na tulad ng spaghetti ang ating katawan. O maaaring mapunta ka sa ibang universe.”
Ang mga astronaut sa kalawakan lalo na sa mga nasa ISS ay nagagawang kontakin ang kanilang pamilya at mga kaibigan sa Daigdig sa pamamagitan ng emal o internet phone. Meron na rin kasing internet sa ISS sa pamamagitan ng relay satellite.
Lubhang magastos ang magdala ng mga bagay-bagay patungong kalawakan dahil sa sobrang dami ng energy na kailangan ng isang spacecraft para makakawala sa napakalakas na gravity ng daigdig. Pero maaaring magbago at bumaba ang gastos sa magiging bagong uri ng transportasyon sa hinaharap.
Ganap na madilim na madilim sa outer space. Sa kadalimang ito, nagniningning sa kulay na asul ang daigdig.
• • • • • •
Email: rmb2012x@gmail.com