NALAGOT na ang kadena sa child marriage. Isang batas na nagdedeklarang iligal at krimen ang child marriage ang nilagdaan ni President Rodrigo Duterte noong nakaraang Disyembre 2021. Ang Republic Act No. 11596 o An Act Prohibiting the Practice of Child Marriage and Imposing Penalties for Violations Thereof ang tuluyan tumapos sa child marriage. Malaking tagumpay ang pagkakalagda sa batas sa mga kabataang nasasadlak sa pag-aasawa dahil sa maling praktis. Isinasaad sa RA 11596 na iligal ang child marriage at ang sinumang mapapatunayang nagplano, nagpasimuno at mismong nagkasal sa mga bata ay mananagot. Isang krimen ang child marriage at mahaharap sa multang P40,000 at pagkakulong na 12 taon ang mga opisyal, mga magulang, guardians at ibang tao na nag-fixed, nag-arrange at nag-facilitate sa marriage.
Sa simula pa, sinasabi na ng batas na ang child marriage ay hindi karapat-dapat at mahigpit na ipinagbabawal. Sumasalungat ang praktis na ito sa Convention on the Rights of the Child na niratipika noong 1990 na ang tinakdang gulang sa pag-aasawa ay 18.
Isang malaking tagumpay para sa mga kabataan (ma-babae o ma-lalaki man) ang pagkakapasa ng RA 11596 sapagkat maliligtas sila sa pagkasubasob sa maling pag-aasawa na naganap dahil sa nakaugaliang child marriage. Nailigtas sila sa pang-aabuso (lalo ang mga babae) at mabibigyan na ng ganap na proteksiyon dahil sa pagkakapasa ng batas.
Marami sa mga kabataang nasangkot sa child marriage ay hindi na nakatapos ng pag-aaral, nagkasakit dahil sa maagang pagbubuntis ang babae, nasuong sa kahirapan ng buhay, nagpasan ng mabigat na responsibilidad at marami ang nagkaroon ng trauma.
Salamat sa mga mambabatas na naging instrumento para matuldukan ang child marriage. Malaking tagumpay para sa kapakanan ng mga kabataan ang ginawa ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at Sen. Risa Hontiveros na mga awtor ng batas. Dahil sa kanila, nalagot ang kadena sa child marriage na noon pa nila isinusumpa.