NOONG late 70’s sa Sampaloc area, para makatipid ang isang estudyante, doon siya titira sa lumang apartment na kinonbert sa boarding house. Mga 35 pesos ang renta per bed spacer. Ang isang maliit na kuwarto ay may tatlong double deck military type spring bed. Kaya anim na bed spacers ang magsisiksikan sa maliit na kuwarto.
Hubad ang bed na daratnan dahil ang bed spacer ang bahalang maglagay ng banig o kutson. Mahal ang kutson kaya banig lang ang kadalasang ginagamit. Upang hindi masakit sa likod ang umuumbok na bakal mula sa bed, kailangang patungan muna ng makapal na karton saka papatungan ng banig. Ang malalaking kartong nabibili sa supermarket na pinaglagyan ng bulak o sanitary napkin ang magsisilbing “kutson”.
Kahit anong init ng panahon ay hindi basta-basta makakapag-electric fan ang bed spacer. Kailangang magdagdag ng bente pesos per month para sa kuryente gamit ang sariling electric fan. Ang may-ari ng electric fan ay hindi nagsi-share ng hangin. Sa kanya lang nakatutok ang fan. Hindi talaga niya pinaiikot ito. Sa isip niya, kung gusto ninyong makihati sa hangin, makihati rin kayo sa bayad. Kaya ang mga walang pambili ng electric fan at walang pang-ambag sa kuryente ay nagkakasya na lang sa pamaypay para mabawasan man lang ang lumalabas na ganggamunggong pawis sa katawan. Isa lang ito sa maraming halimbawa ng naranasang pagtitiis ng mga estudyante habang nag-aaral.
Sa puntong ito, may nakita akong advantage sa estudyanteng pulos pagtitiis ang naranasan bago siya makatapos ng pag-aaral. Sila iyong kapag naka-graduate at nakapag-trabaho ay hindi kaagad nag-aasawa dahil career muna ang inaatupag, nagiging masinop sa pera, marunong mag-share ng kinikita niya sa mga magulang kahit alam niyang hindi naman gipit sa pera ang mga ito.
Ang aking obserbasyon naman sa ibang mga estudyante na pulos kaginhawahan ang naranasan habang nag-aaral: nakatira sa magandang dorm or condo na katapat lang ng university na pinapasukan, malaki ang allowance at marami pang iba, kung hindi man lahat, ay hindi marunong magbalik ng grasyang tinatamasa niya sa mga magulang. Pagkatapos mag-aral at makapagtrabaho ay “goodbye mom and dad”, dahil ang priority na lang niya ay sarili at ang mga plano niya sa hinaharap.