NOONG panahon ng American Civil War, naging Presidente ng Confederate States si Jefferson Davis. Minsan ipinatawag niya ang isang magaling at mapagkakatiwalaang opisyal ng hukbo na si General Lee. Gustong tanungin ni Davis kung gaano kagaling bilang army officer ang isang taong nagngangalang William Whiting. Nais ng Presidente na bigyan ito ng mahalagang posisyon.
Sinagot ni Lee na totoong mahusay magtrabaho si Whiting. Marami pa siyang sinabi na magagandang katangian ni Whiting at tahasang inirekomenda niya ito sa Presidente.
Marami ang nakarinig sa pag-uusap ni Lee at ng Presidente. Pagkaalis ng Presidente, isang kasamahang opisyal ang lumapit at nagtanong kay General Lee:
“General Lee, alam mo bang lagi kang pinipintasan ni Whiting sa ating mga kasamahan?”
“Oo, alam na alam ko ang mga negatibong pinagsasasabi niya tungkol sa akin?”
“So, bakit mo siya pinuri sa harap ng Presidente? Sana gumanti ka at pinintasan mo rin siya. Hayun, mapo-promote pa yata siya dahil sa magagandang sinabi mo sa kanya.”
“Ang alam ko, gustong malaman ng Presidente ang aking opinyon tungkol kay Whiting. Labas sa usapan namin ang opinyon ni Whiting tungkol sa akin. ”
Ang mga taong matalino at malaki ang tiwala sa sarili ay hindi nagbibigay ng importansiya sa mga negatibong kritisismo ng ibang tao tungkol sa kanila. Sa kabilang banda, ang mga taong nagkukunwaring matalino ang madalas gumaganti sa mga taong namimintas sa kanila.