NOONG 2019, pinarangalan ng Guinness Book of World Records ang noo’y 14-anyos na si Isaac Johnson ng titulong: World’s Largest Mouth Gape (male). Umabot kasi sa 3.67 inches ang sukat ng kanyang bibig kapag nakabuka.
Ngunit mabilis na nawala sa kanya ang titulo matapos ang dalawang buwan dahil napunta ito kay Philip Angus ng Pennsylvania na may 3.75 inches ang laki ng bunganga.
Ngayong 2021, nabawi ni Johnson ang Guinness World Record title dahil lalo pang lumaki ang kanyang bibig na ngayon ay may sukat nang 4 inches!
Dahil sa laki ng bibig ni Johnson, kasya nang ipasok dito ang canister ng potato chips na Pringles at ang 1.5 liters na bote ng softdrinks.
Nang tinanong si Johnson kung paano lalong lumaki ang kanyang bibig, sinabi niya na epekto ito ng puberty dahil nasa edad siya kung kailan maraming pagbabagong nagaganap sa kanyang katawan.