PANAHON iyon na hindi pa natutuklasan ang apoy. May isang pinuno ng tribu na hindi makatulog kapag panahon ng tag-lamig at pag-ulan ng yelo, dahil sobra siyang nagiginaw. Kahit pa sapin-sapin ang balahibo ng tupa sa kanyang higaan, nangangaligkig pa rin ito sa ginaw lalo na sa gabi na halos ikamatay niya.
Nagpatawag ito ng pulong sa mga ministrong kilala sa pagiging matalino para tulungan siyang mag-isip ng paraan upang hindi siya sobrang ginawin. Ang pinuno muna ng tribu ang unang nagbigay ng suhestiyon.
“Ano kaya’t palibutan ninyo ng tinahing balahibo ng tupa ang aking silid upang hindi pumasok ang lamig dito.”
“Mahal na pinuno, sobrang lawak po ng inyong silid. Hindi po sasapat ang lahat ng balahibo ng alaga nating tupa. Isa pa, kung aahitin natin nang todo ang balahibo ng tupa para makakuha ng maraming balahibo, sila rin po ay kakaligkigin sa ginaw at magiging dahilan pa ito upang mamatay sila sa lamig.”
“Aber, ano ang dapat gawin? Siguraduhin mong may kuwenta ang suhestiyon mo. Kung hindi, lumayas ka sa harapan ko at huwag nang magpapakita kahit kailan.”
“Mahal na pinuno, naisip kong ipagtahi ka ng damit na yari sa makapal na balahibo ng tupa. Ang katawan mo ang babalutin ng balahibo ng tupa upang hindi ito malamigan sa araw at gabi. Sa ganitong paraan, kakaunti lang ang kakailanganing balahibo ng tupa.”
Sumabat sa usapan ang isa pang ministro. “Mawalang galang na po at sana po ay hindi ninyo ikagalit ang isa ko pang suhestiyon. Sana po ay magsuot kayo ng damit bago matulog lalo na sa panahon ng tag-lamig. Hindi kaila sa lahat ng mga tao na mahilig kang matulog nang nakahubo’t hubad, tag-init man o tag-lamig.”
“Everyone thinks of changing the world, but no one thinks of changing himself.” – Leo Tolstoy