Hustisya sa napulot na pera
ISANG lalaking street sweeper ang nakapulot ng bag sa gilid ng kalsada na may lamang P150,000. Pagkaraan ng ilang araw, isang babae ang nanawagan sa radio tungkol sa nawawala niyang bag na may lamang pera. Inilarawan ng babae ang hitsura ng bag ngunit hindi sinabi ang halaga ng perang nilalaman nito. Ang makakapulot daw nito at magsasauli ng pera ay kanyang bibigyan ng gantimpalang P10,000. Sinabi ng babae ang kanyang telepono at kung saan siya matatagpuan.
Pinagmasdan ng street sweeper ang bag na hawak niya. Sakto ito sa description ng babae kaya natiyak niyang iyon ang bag na nawawala. Tumawag muna ang lalaki sa may-ari ng bag at sinabing siya ang nakapulot ng bag niyang nawawala.
Hindi maipagkakailang ang babaing may-ari ng bag ay mayaman dahil mansiyon ang bahay nito. Pagkaabot ng bag sa babae, agad nitong binilang ang pera at saka nagwika: “Hindi ko na pala kailangang bigyan ka ng reward na P10,000 dahil nakuha mo na ito.”
“Anong kinuha…anong ibig mong sabihin?” tanong ng lalaki.
“Ang laman ng aking bag ay P160,000, pero ang perang isinauli mo sa akin ay P150,000 lamang.”
Umalis ang lalaki na galit na galit hindi dahil wala siyang nakuhang gantimpala kundi pinalabas pa ng babae na magnanakaw siya. Sinabi niya ito sa kanyang supervisor na nagkataong may kakilalang huwes. Ang usapin ay humantong sa korte. Inutusan ng huwes na dalhin ng babae ang bag kasama ang laman nitong P150,000.
Sa harap ng huwes, bawat isa ay nagprisinta ng kanya-kanyang katwiran. Pagkatapos marinig ng huwes ang magkabilang panig ay ganito ang kanyang sinabi sa mayamang babae:
“Naniniwala ako sa iyong sinabi. Iabot mo sa akin ang iyong bag kasama ang P150,000.”
Pagkatanggap ng bag ay ipinasa naman ito ng huwes sa lalaking street sweeper. Nandilat ang mata ng babaing mayaman at nagtaas ng boses, “What are you doing?”
Sagot ng huwes sa babae: “Alam kong totoo ang sinasabi mong ang laman ng iyong bag ay P160,000.”
Bumaling ang huwes sa lalaki: “Batid ko rin na ikaw ay taong may integridad, kung hindi, sana ay iyong inangkin ang perang napulot mo. Totoo na P150,000 lang ang laman ng bag na napulot mo kaya ikaw muna ang mag-ingat sa bag na iyan hanggang hindi pa nagpapakita ang totoong may-ari ng bag.”
Nanggagalaiting nagsalita ang babae, “Paano ang pera ko, your honor?”
“E, di maghintay ka na may makapulot ng bag na naglalaman ng P160,000 at isauli sa iyo.”
Lingid sa kaalaman ng lahat, sinabi lang ng babae na P160,000 ang laman ng bag upang makalusot lang siya sa pagbibigay ng reward. Talagang P150,000 lang ang laman ng bag niya.
Hindi nagtagal, inamin ng babae ang totoo sa huwes.
- Latest