Ang matandang lalaki sa loob ng campus
SA loob ng campus ng University College Dublin sa Ireland, may isang homeless man na ginawa niyang tahanan ang malaking campus. Ang kinakain niya araw-araw ay nakukuha niyang libre sa canteen. Harmless siya at hindi nagsasalita. Palakad-lakad lang siya at walang inaabalang tao. Nginingitian lang niya ang mga estudyanteng bumabati sa kanya.
Iba’t iba ang bersiyon kung bakit siya pinapayagang manatili sa loob ng campus. Isang gabi raw ay may estudyanteng babae na pinagtangkaang reypin ngunit hindi nagtagumpay ang masamang balak dahil iniligtas ito ng homeless man. Simula noon, pinayagan na siyang tumigil sa loob ng campus at para maging silent guardian ng unibersidad. Inalok daw ito ng tirahan bilang premyo sa kanyang kabayanihan ngunit tinanggihan niya ito. May bersiyon naman na dati raw itong propesor ngunit hindi na nakapagturo simula nang magka-nervous breakdown.
Dumating ang panahon na nagpalit ng bagong management ang canteen. Tumanggi na ang bagong may-ari na bigyan ng libreng pagkain ang matanda. Nag-rally ang buong student body at nanawagan sa lahat na iboykot ang canteen. Natakot ang management at pumayag na bigyan ang homeless man ng libreng pagkain.
Bawat generation ng mga estudyante ay may kanya-kanyang bersiyon kung bakit pinapayagan ang homeless man na manirahan sa loob ng campus. Dahil hindi ito nagsasalita, walang nakaaalam kung ano ang pangalan niya o kung saan siya nanggaling. Basta ang alam ng lahat ay minamahal siya ng mga estudyante ng unibersidad.
- Latest