Paano kung hindi naipanotaryo ang dokumento?
Dear Attorney,
Pinautang ko po ng P50,000 ang aking kaibigan. Bilang katibayan, pinapirma ko po siya ng promissory note na nakasulat kung magkano ang inutang niya at kung kailan niya ito babayaran. Noong isang taon pa po ito ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya nababayaran. Nang binalaan ko na po siyang magsasampa na ako ng kaso kung hindi pa rin niya babayaran ang inutang niya kasama ang interes ay sinabing hindi ko raw siya puwedeng idemanda dahil hindi naman notaryado ang promissory note kaya wala rin daw halaga iyon. Totoo po ba ang sinabi niya?—Marife
Dear Marife,
Hindi lahat ng kasunduan ay kailangang notaryado para magkaroon ng bisa. Sa katunayan, bukod sa iilang kontrata na nakalista sa Civil Code, ang kahit anong kasunduan ay may bisa basta’t kumpleto ang tatlong elemento ng isang kontrata, alinsunod sa Article 1318 ng Civil Code: (1) consent o pag-sang-ayon ng dalawa o higit pang partido na pumasok sa kasunduan; (2) object o bagay na pinatutungkulan ng kasunduan; at ang pagkakaroon ng (3) cause o dahilan kung bakit pumapasok sa nasabing kasunduan ang mga partido nito.
Makikita mo na wala namang nakasaad na requirement para sa “notarization” para magkaroon ng isang kontrata. Ni hindi nga nakasaad na kailangang nakasulat para masabing mayroong kontratang nabuo sa pagitan ng dalawa o higit pang partido.
Kailangan lang tandaan ang Article 1356 ng Civil Code kung saan nakasaad na kapag iniutos ng batas na ang isang kontrata ay dapat na may partikular na anyo, kailangan itong sundin upang ang nasabing kontrata ay magkaroon ng bisa. Nakalagay naman sa Article 1358 ang mga kailangang notaryadong dokumento at wala sa listahan na ito ang kontrata ukol sa pagpapautang.
Base sa nabanggit, malinaw na may nabuong kontrata sa pagitan ninyong magkaibigan nang magkasundo kayong dalawa na pauutangin mo siya at babayaran niya ito. Hindi kailangang notaryado ito para magkabisa at para ang kaibigan mo ay tumupad sa obligasyon niyang ibalik ang kanyang halagang hiniram.
Iyon nga lang, napansin ko sa inilahad mo na naniningil ka rin ng interes. Tandaan na sa ilalim ng Article 1956 ng Civil Code, hindi maaring maningil ng interes kung hindi nakasulat ang kasunduan ukol sa pagbabayad nito. Kaya kung wala ito sa promissory note o sa kahit anong dokumento, malabong makapaningil ka ng interest mula sa halagang ipinahiram mo.
- Latest