INILAGAY ng marine biologist ang hindi kalakihang pating sa isang malaking aquarium na gawa sa fiberglass. Pinag-aaralan niya ang behavior ng pating.
Isang araw, nilagyan niya ng maliliit na isda ang kinalalagyang aquarium ng pating. Kagaya ng dapat asahan, inubos ng pating ang maliliit na isda. Walang itinira kahit isa.
Nang sumunod na araw, ang aquarium ay nilagyan ng division sa gitna na yari sa fiberglass. Nasa left side ang pating samantalang ang right side ay nilagyan ng maliliit na isda.
Agad sinugod ng pating ang maliliit na isda ngunit sa kanyang pagtataka, hindi siya nakalapit sa maliliit na isda at sa halip ay bumangga ang kanyang ulo sa fiberglass na nagsisilbing division.
Nakailang ulit siyang sumugod sa kinaroroonan ng maliliit na isda pero lagi lang siyang nauuntog sa fiberglass. Nang magtagal ay tumigil na ang pating sa pagsugod dahil nasasaktan na siguro ang ulo nito na paulit-ulit na bumabangga sa fiberglass.
Pagkaraan ng ilang araw, tinanggal ng biologist ang dibisyon. Pero nanatiling hindi ginagalaw ng pating ang maliliit na isda kahit abot bunganga na niya ito.
Tumanim na sa isipan nito na mabibigo siyang lapitan ang mga isda dahil may nakaharang na fiberglass.
Ganyan din ang tao. Biglang susuko pagkaraan ng sunud-sunod na kabiguan. Biglang tatamarin na sumubok muli.
“If Plan A didn’t work, the alphabet has 25 more letters. Stay cool!” –Anonymous