MAGKAHALONG tawa at mangha ang aking naging unang reaksiyon sa mga nabasa kong komento ng mga netizens sa isang post sa Facebook.
Sa Facebook page ng Palawan Star, naibalita ang nabanggit ko sa aking programa sa telebisyon hinggil sa dalawang pulitiko sa Palawan na sila dapat ang ipakain sa buwaya.
Ito’y matapos magreklamo sa BITAG ang parish priest ng Culion Island, Palawan sa panggigipit sa kanya ni Mayor Virginia de Vera at umano’y tila kutsabahan nito sa governor ng Palawan.
Nagsabi raw kasi si Gov. Jose Alvarez na dapat raw sa mga pari ay ipakain sa buwaya. Kaya naman sinabi ko na kapag pinakain ang mga pari sa buwaya, sino na ang magmimisa at gagabay sa espiritwal na aspeto ng mga tao – dapat kako’y silang mga pulitiko ang ipakain sa buwaya.
Natatawa ako’t nailing dahil karamihan ng mga komento – talaga namang nakakaloko. Sabi ng isa – kumakain ba ang buwaya ng kalahi niya? Ang isa naman, Sir, hindi kumakain ang buwaya ng kapwa niya buwaya!
May isa pa, Naku siguradong iluluwa yan ng mga buwaya sa laki at kunat ng mga ‘yan! Habang ang isa rin, mapuputulan ng ngipin ang buwaya sa tindi ng mga ‘yan!
Ang tanong ko, ganito ba kalaki ang galit ng mga taga-Palawan sa kanilang mga iniluklok na lider sa probinsiya? Ayon sa Palawan Star, hindi pa rin umano sumasagot si Gov sa isyung ito.
For the record, makailang beses ko nang tinawagan si Gov. Alvarez sa kanyang tanggapan sa kapitolyo at maging sa kanyang personal mobile number subalit napakahirap talagang mahagilap ni Gov.
Paulit-ulit na rin ang aking panawagan sa ere na “Gov, parang awa mo na, makipag-usap ka sa akin. Wala kang dapat ikatakot dahil hindi naman ako buwaya, hindi kita kakainin. Trabaho lang ito, walang personalan.”
Anong pakay ko? Ipaabot ang reklamo ng mga residente ng Culion Island at sagutin kung may katotohanan ang sumbong ng kura paroko.
Sa ngalan ng patas na pamamahayag, ginagawa ito ng BITAG. Baka matulad na naman ito sa isyu ng Zamboanga del Sur Medical Center – sila na ‘tong tinawagan, pinuntahan, sinulatan pero tumangging magbigay ng kanyang panig, sila pa itong malakas ang loob na sampahan ako ng cyber libel.
Kaya naman ang sagot ko: Bwahahahahahahaha! Bring it on Doc!