KINILALA bilang pinakamahal na kalapati sa buong mundo ang two-year-old racing pigeon na si New Kim matapos siyang mapanalunan sa isang online auction sa halagang $1.9 million!
Kamakailan lamang, ipinasubasta ng world renowned pigeon breeder na si Hok Van De Wouwer ang koleksiyon niya ng mga racing pigeon.
Kilala si De Wouwer sa Antwerp Belgium bilang de-kalibreng breeder ng mga kalapati na nananalo ng mga national race pigeon titles kaya maraming gustong mag-bid sa kanyang mga racing pigeon.
Pero ikinagulat pa rin ng karamihan nang ma-break ni New Kim ang world record sa pagiging pinakamahal na kalapati.
Sa loob lamang ng isa at kalahating oras matapos simulan ng Pipa Pigeon Paradise website ang online auction, nakatanggap agad ng 226 bids si New Kim. Matapos ang apat na araw ng bidding, isang collector mula China ang nanalo sa subasta sa halagang $1.9 million.
Sa sobrang mahal ng halaga ni New Kim, isang security company ang inatasan na bantayan siya habang hinihintay na makuha siya ng bago niyang may-ari.