MAY kabastusan ang mayor na inireklamo sa BITAG kamakalawa. Hindi ko pa tapos tanungin hinggil sa reklamong panggigipit laban sa kanya, sige na ang satsat ang pinupunto ay sinisiraan siya dahil sa pulitika.
Lumapit sa BITAG ang mga mangingisda ng Culion Island sa Palawan dahil bigla umanong ipinagbawal ng kanilang Mayor ang pangingisda.
Hinaing ng mga nagrereklamo, kulang na nga ang ayudang ibinibigay sa kanilang mga residente, ipinagbawal pa ang kanilang pangunahing hanapbuhay.
At para makaabot kay Mayor ang kanilang hinaing, nagpost sa social media ang mga pobreng mangingisda. Ikinagalit daw ito ng labis ni Mayor Virginia De Vera.
Isa-isang kinumpronta ni Mayor ang mga nag-post at binantaan umano ang mga ito. Ang isa’y tinakot na ipasasara ang kanyang tindahan habang ang isa’y ipadarakip daw sa mga pulis kapag hindi binura ang kanilang post.
Sinubukan kong kunin ang panig ni Mayor De Vera sa sumbong na ito. Naniniwala kasi ako na maaaring hindi naiparating ng maayos sa kanyang nasasakupan ang kahalagahan ng kanyang kautusan.
Subalit sa umpisa pa lang, mainit na si Mayor at ginagamit ang salitang “pulitika” na dahilan daw kaya siya inirereklamo.
Mayor De Vera, bilang ina ng Culion Island, trabaho mong pakinggan ang hinaing ng iyong nasasakupan.
Ang iyong kapangyarihan ay ginagamit para makatulong sa mga residenteng naghalal sa iyo sa posisyon. Hindi mo dapat kinakasangkapan ang kapangyarihang ‘yan para manakot, manggipit at manduro ng maliliit na tao.
Nakita ko kaagad ang inaasal mo Mayor De Vera dahil sa akin pa lang, may kagaspangan na ang iyong pakikipag-usap. Ayaw mong magpatalo, ayaw mong pakinggan ang kabilang panig at binagsakan mo kami ng telepono.
Paano na lang kaya kung ang mga taong walang kalaban-laban, pobre at mangmang ang lumalapit sa iyo? Paano mo sila pakitunguhan Mayor tuwing eleksiyon at tapos na ang eleksiyon?
Hindi pa ito natatapos dito Mayor dahil tatayo ako para sa mga nagrereklamo. Sisiguraduhin kong manghihimasok ang Department of Interior and Local Government sa pang-aabuso na ito.
Nakahanap ka ng katapat Mayor. Kung bastos ka, doble ako.