SABI ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III, mas maganda kung wala nang licensure at bar examinations. Pabor siya na alisin ang mga ito para hindi na mahirapan ang mga nagtapos ng nursing, engineering, dentistry at maging ang mga nagtapos ng abogasya.
Ayon kay Bello, malaking tulong sa mga nagtapos ng nursing, engineering at law kung wala nang board at Bar exams. Mahabang panahon na umano ang pinagdaanan ng mga ito sa kolehiyo at kaliwa’t kanan ang examinations na binuno kaya para ano pa at kukuha ng board at Bar exams. Ayon pa sa Labor Secretary, kung wala nang board examination, makakapagtrabaho na agad ang mga ito.
“Dapat alisin na ang mga board exam sa mga engineer, board exam ng mga dentistry, bar exam. Eight years ka nang nag-aaral para maging abogado, pumasa ka na sa exams, kukuha ka pa ng Bar? Tapos magkakamali ka siyempre during the exam medyo sumama ang pakiramdam mo, babagsak ka…nasaan ang katarungan d’yan?” tanong ni Bello.
Ang pag-aalis sa board exams ay lumutang nang makipag-usap si Bello sa mga opisyal ng iba pang ahensiya ng pamahalaan sa gitna ng mataas na demand para sa mga Filipino nurses sa ibang bansa. Sabi ni Bello, napakamahal ng gastos sa pagkuha ng nursing at buong panahon ng kanilang pag-aaral ay maraming examinations na ang pinagdaanan ng mga ito. Kaya nararapat na alisin na ang board exams para rito.
Kahit saan tingnan ay hindi maganda kung aalisin ang board exams at bar exams. Walang katuturan kung ang mga kumuha ng nursing, engineering at law ay walang dadaanang exam para masabing sila ay ganap na nurse, engineer at abogado. Isa pa, ang pagsubok na ibibigay sa kanila ang magpapakita na dumaan sila sa matinding pag-aaral.
Talagang mahirap ang mag-aral ng apat na taon, lalo pa nga sa mga nag-aral ng abogasya. Talagang bugbog-sarado sila sa pagmemorya. Kaya ang pagkuha ng board at bar exams ang pangwakas para makita kung mayroon silang natutuhan. Dito makikita ang kanilang pinaghirapan.
Maganda ang layunin ni Bello para hindi na mahirapan ang mga estudyante at hindi na magastusan pa subalit walang katuturan kung hindi dadaan sa mga pagsubok ang mga ito. Nararapat lang na huwag itong alisin. Iba na lang ang ipanukala ni Bello, huwag ang pag-aalis sa board at bar exams.