NAGDEMANDA ng cyber libel laban sa akin ang isa sa mga inirereklamong doktor ng Zamboanga Del Sur Medical Center na si Dr. Romalyn Parangal-De Castro.
Ito yung kontrobersiyal na reklamo kung saan lumapit at nagreklamo sa BITAG si Rommel Aguilar at kanyang kinakasama na si Genevie Carillo. Mahabang kuwento – nasa YouTube lahat mula umpisa hanggang update sa kasalukuyan.
Umikot siguro ang mga tumbong n’yo diyan sa ZDSMC dahil sa sumbong ng isang mangmang na si Rommel.
May karapatan bang magreklamo ang isang pobreng katulad ni Rommel? Oo dahil panggobyernong ospital ‘yan at pera ng taumbayan ang ginagamit sa operasyon.
Ang gusto ko lang sabihin Dr. De Castro, wala akong pakialam sa ikinaso mo, hindi ako matitinag sa cyber libel mo. Naniniwala ang BITAG na wala kaming ginawang paninira.
Mula day 1, sinubukan ka naming tawagan at kunin ang iyong panig. Umabot ng pangalawa at pangatlong araw, hindi mo pa rin tinanggap ang aming tawag – personal number, hospital number at maging sa iyong clinic.
Nagulat na lang kami na nagpa-presscon ang ospital at doon ka nagsalita. Tumawag pa ang OIC ng ospital na Dr. Cagampang sa aking staff na tinuruan pang magsinungaling.
Hindi sumuko ang BITAG, pinilit naming makuha ang iyong panig – pumunta kami ng Pagadian. Sa zoom meeting sa tanggapan ni Gov. Victor Yu – wala ka, si Dra. Pastoriza ang humarap sa BITAG (salamat Doc Pastoriza).
Isang linggong nanatili ang aming grupo sa Pagadian City para makuha ang panig n’yong mga inirereklamo. Sumulat kami ng pormal na kayo’y mainterview, ipinadaan namin ito sa Provincial Legal Office – tinanggihan n’yo rin ang BITAG.
Lahat ito dokumentado, sa papel at video. Kaya Dra. De Castro, nakahanda ang BITAG!