SI Abraham Lincoln ay hindi pinagkalooban ng magandang mukha kagaya ng Hollywood actors, ngunit kagaya ng mga artista, siya ay maraming tagahanga. Hinangaan siya ng maraming tao dahil sa uri ng kanyang pagkatao.
Marami ang nakakakilala sa kanya dahil siya ay naglingkod bilang 16th US President mula 1861 hanggang sa siya ay binaril at napatay noong 1865. May usap-usapan, na mismong misis niyang taratitat ay walang habas kung pintasan ang kanyang hitsura. Ngunit ito ay ipinagkikibit-balikat lang ni Lincoln.
Minsan, isang portrait artist ang ipinakilala sa Presidente na nagprisintang igagawa raw ito ng portrait. Ang artist ay tagahanga pala ng Presidente. Pumayag naman si Lincoln at nang matapos ang portrait, ito ay ipinakita sa mga tao. Marami ang nagsabing ang ipinintang larawan ng Presidente ay pambihira ang ganda.
Kahit si Lincoln ay nag-uumapaw ang galak nang makita ang sariling portrait. Speechless pa nga siya sa umpisa. Makaraan ang ilang saglit ay nagbitaw siya ng ganitong salita sa portrait artist:
“Nahuhulaan ko Ginoo na habang ipinipinta mo ako sa iyong canvas, ang nasa isip mo ay ang magaganda kong nagawa o kaya ang inspirasyon mo ay nagmula sa aking mga prinsipyo. Iyon ang dahilan kung bakit may kakaibang kislap ang aking larawan sa iyong canvas. Ang tiningnan mo ay ang uri ng aking pagkatao at hindi ang panlabas kong anyo.”
“Some people are like Oreo biscuits. The good stuff is on the inside. Beauty isn’t about having a pretty face it’s about having a pretty mind, a pretty heart, and a pretty soul.” -Unknown