MARAMING nangangamba sa nangyayari ngayon sa PDP-Laban. Nagpalitan na ng maanghang na salita si Pres. Rodrigo Duterte at Sen. Manny ‘‘Pacman’’ Pacquiao.
Ayon sa kampo ng PDP-Laban, marami umano ang nagagalit sa inaasal at pinagsasabi ni Pacman.
Ayon sa isang source, alam na umano ng kampo ni Pacman na patatalsikin ito sa PDP-Laban kaya ngayon pa lamang ay nagsasalita na ang senador.
Sabi ng aking source, “Mr. Ben, alam naming tinatrabaho pailalim si Sen. Pacquiao sa loob.”
‘Yung mga nasa ibaba umano na tao ni dating PGMA ang gumigiba dahil ayaw nila sa senador – kung ano ang dahilan ay sila-sila lang ang nakaaalam.
The writing is on the wall kaya naman nakakasa na raw ang Plan A, Plan B at Plan C ng kanilang kampo. Tila, bilang boksingero, lumalaban si Pacman sa mga gumigiba sa kanya sa ibaba. Para bagang for every defence there is corresponding offense.
Ang tanong ko, bakit hindi na lang ayusin at kailangan pang umabot sa ganito. “Eh Mr. Ben, hindi naman ang Pangulo ang kaaway namin dito kundi ang mga taong nakapaligid sa kanya. Kaya talagang magsasalita kami”
Sunod kong tanong – bakit kaya hindi na lang umalis ng partido si Pacman at puwede naman niyang sabihin na iba ang kanyang prinsipyo sa takbo ng grupo? Kumbaga, umalis nang tahimik at maayos?
Hindi na nasagot ang aking katanungan. Hindi ko maiwasang magtanong sa sarili na habang nangyayari ang kaguluhang ito, hindi ba apektado ang senador na kasalukuyang nag-eensayo sa US?
Sa ngayon daw kasi, Plan A pa lang ang nakikita ng publiko – wala pa ang Plan B at Plan C. Ang bottomline, alam na nilang aabot sa puntong sisipain talaga ang senador sa partido kaya nagsasalita na ito.
Umaawat naman daw si Sen. Koko Pimentel sa sigalot subalit kulang pa yata at hindi epektibo dahil nauuwi sa giyera ang sitwasyon.
Ang isa pang bulong na nakaabot sa akin, hindi raw takot si Pacman na sibakin sa partido dahil marami itong hawak na alas!