KAMAKAILAN lang, lumabas sa balita sa telebisyon ng isang higanteng channel ang pagpapasara sa isang inirereklamong kumpanya ng Online Lending sa Pasig.
“Exclusive” news umano anang reporter na napanood sa TV kasama ang mga operatiba ng National Bureau of Investigation Anti-Cyber Crime Group.
Ayokong maging malisyoso ang aking pag-iisip na sinadya ng reporter na hindi banggitin ang tamang kredito kung saan, BITAG ang pinagmulan ng kanyang ipinapalabas na istorya sa telebisyon.
There’s no use of crying over spilled milk, ang punto ng BITAG dito ay magkaroon man lang ng kurtesiya sa inumpisahan at pinagpaguran ng aming grupo.
Ang mismong source ng BITAG, ininterview kahit na nagsabi na ito sa umpisang sa BITAG lamang siya magsasalita.
Pero ayon daw sa reporter, hindi raw ito ipalalabas sa telebisyon – hindi ito nangyari dahil napanood ito sa buong bansa. Dito pa lang, may panlilinlang na?!
Orihinal na sumbong sa BITAG, tipster ng BITAG at trinabaho ng BITAG sa umpisa pa lang. Mula sa paghahanap ng impormante, pagkalkal ng mga impormasyon at ebidensiya hanggang sa opisyal na pakikipag-ugnayan sa NBI-Anti Cyber Crime group.
Ang nakapagtataka kasi, nang lumabas ang search warrant ng NBI, hindi inabisuhan ang BITAG kung kailan iisyu ito laban sa target na kompanya.
Nakatanggap ako ng tawag nung isinagawa na, nakapasok na sa target area ang mga ahente ng NBI kasama ang aming tipster. Surprise surprise dahil lumabas na sa telebisyon ang operasyon at ginawang eksklusibo ng reporter. Neknek n’yo!
Hindi na sinisisi ng BITAG ang reporter, kahit na sinadya o di sinadyang bigyan ng kurtesiya ang “source” ng kanyang storya. Tutal, magkakapatid kami sa industriya, sige na lang.
Humingi na rin ng paumanhin ang ahente ng NBI na namuno sa operasyon, nagkaroon daw ng “leak” at “miscommunication.”
O sige na rin, pero marami na akong maaanghang na salitang nasabi sa kanya at umaasa ang BITAG na magsilbing aral ito sa mga operatibang nakakatrabaho namin.
Iba kami magtrabaho. Mula umpisa dokumentado, planado hindi bali-balita lang at nakikipag-unahang maki-eksklusibo.