Dear Attorney,
Nakatanggap po ako ng subpoena mula sa city pro-secutor’s office at nakalagay doon na kailangan kong magsumite ng counter-affidavit at ng iba pang mga supporting documents sa nakatakdang petsa. Ang problema po ay huli ko nang natanggap ang subpoena at lipas na ang petsang nakasaad doon. Ano po kaya ang maari kong gawin? Makukulong po ba kaagad ako? —Marc
Dear Marc,
Mainam na kumuha ka na ng serbisyo ng isang abogado dahil malaki ang posibilidad na kakailanganin mong magsumite ng motion upang mabuksan muli ang tinatawag na preliminary investigation para sa iyong kaso. Kung hindi ka kasi nakapagsumite ng iyong counter affidavit sa takdang petsa na inilaan ng prosecutor ay maaring desisyunan na niya ang reklamong kriminal laban sa iyo.
Hindi ka naman kaagad makukulong dahil kung sakaling makita ng prosecutor na may sapat na ebidensiya upang litisin ang krimen ay saka niya lamang iaakyat ang kaso sa husgado. Pagkaakyat ng kaso, saka na maaring mag-isyu ng warrant of arrest ang korte upang ikaw ay ipadakip.
Sa motion na ipapagawa mo sa iyong abogado, ilagay mo na huli na ng iyong matanggap ang subpoena at nakalipas na ang petsang nakasaad doon. Ikabit mo sa motion ang mga pruweba na magpapatunay sa petsa nang natanggap mo ang subpoena katulad ng registry receipt ng post office. Hilingin mo sa pro-secutor na sana’y mabuksan muli ang preliminary investigation upang mabigyan ka ng pagkakataon na marinig ang iyong panig at nang ikaw ay makapaghain ng counter-affidavit.
Malaki ang posibilidad na pagbigyan ng prosecutor ang iyong motion lalo na’t hindi mo naman kasalanan ang dahilan kung bakit hindi ka nakapagsumite ng iyong counter-affidavit. Ngunit tandaan na sa huli ay desisyon pa rin niya kung iaakyat na ba niya sa korte ang reklamo sa iyo o kung bibigyan ka pa niya ng pagkakataon.