HABANG papalapit ang 2022 elections, nanawagan si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga kandidato na ‘wag patulan ang fund raising ng Communist Party of the Philippines/New People’s Army para mawalan sila ng pondo. Open-secret naman kasi ‘yan mga kosa na noong mga nakaraang elections, ang mga kandidato ay sinisingil ng CPP/NPA ng tinatawag na “permit-to-campaign” upang makakalap ng pondo at sa kasamaang palad, ginagastos nila ito para maghasik ng lagim sa mga Pinoy.
Nagbanta si Eleazar na ang pulitikong mahuling nagbigay sa fund raising ng CPP/NPA ay kakasuhan at kapag napatunayang nagkasala ay may hatol na 20 hanggang 40 taong pagkakulong at hindi bababa sa P500,000 na multa. Hindi lang ‘yan, pati ang propiyedad, funds at iba pang ari-arian ng pulitiko ay maaring ilitin ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC). Araguuyyyyy!
Iginiit pa ni Eleazar na dapat ang public interest ang mamayani sa mga kandidato ay hindi ang personal interest. Mismooooo. Hak hak hak! Sana may maaresto kaagad ang PNP na kandidato sa kampanya nila laban sa “permit-to-campaign” ng CPP/NPA para maging ehemplo sila at hindi na pamarisan pa, di ba mga kosa?
Kung sabagay, hindi naman kaila sa mga Pinoy na hindi lang ang militar at pulis ang naging biktima ng karahasan ng CPP/NPA kundi karamihan din ay mga sibilyan. Kailangan pa bang i-memorize ‘yan? Bumaba na kasi ang revolutionary tax na nakolekta ng CPP/NPA sa mga negosyante nitong panahon ng pandemya kaya malaki ang paniniwala ni Eleazar na, tulad ng mga nakaraang elections, hayagan silang mangungulekta ng “tong” sa mga kandidato para madagdagan ang naghihingalong pondo nila.
“I want to remind persons planning to run in the elections that giving in to this demand for money by the CPP/NPA, would mean giving the communist rebels financial support and would make them liable for violation of several special laws including the Anti-Terrorism Act of 2020,” ani Eleazar.
Ayon kay Eleazar, idineklara mismo ni President Digong ang CPP/NPA na terrorist organization sa ilalim ng Proclamation no. 374 in connection with Section 3 (e) (1) of Republic Act 10168 or the Terrorism and Financing Prevention and Suppression Act of 2012.
“Ayon po sa Republic Act 10168, nahaharap sa kaso ang sinumang magbibigay ng suportang pinansiyal sa alinmang teroristang grupo. Any amount given to the terrorist group would be considered financial support to enable the group to carry out an attack,” ang dagdag pa ni Eleazar. Hindi lang ‘yan! Itong mga pulitiko na nagbibigay ng “permit-to-campaign” fee sa CPP/NPA ay puwede ring kasuhan bilang principal sa ilalim ng Section 12 of the Anti-Terrorism Act of 2020 at maging sa paglabag ng Omnibus Election Code of the Philippines. Mismoooo!
“Nananawagan po ako sa mga balak kumandidato sa nalalapit na halalan na huwag magbibigay ng tinatawag na ‘permit-to-campaign fee’ sa CPP/NPA dahil wala itong pinagkaiba sa pagsuporta sa mga rebeldeng komunista at sa kanilang paghahasik ng karahasan sa ating mga komunidad,” ani Eleazar.
Kaya sa mga pulitiko, ‘wag n’yo sabihing hindi kayo inabisuhan ng PNP kapag nakakulong na kayo. Abangan!