Ang magnanakaw at ang hari

PANAHON na ng paggawad ng kapatawaran sa mga preso sa piitan ng isang kaharian. Taun-taon ay ginagawa iyon ng Hari. Walang nakaaalam kung ano ang guidelines na sinu­sunod ng hari upang pagkalooban niya ng “pardon” ang isang preso.

Umaga pa lang ay makikita nang naglilibot sa mga selda ang hari at iniinterbyu ang mga preso. Kadalasang sinasabi ng mga preso ay wala silang kasalanan. Biktima lang daw sila ng injustice, manlolokong abogado, at sinungaling na witness. Sa maikling salita, biktima lang sila ng mga pangyayari kaya sila nakakulong. Wala ni isang umamin sa mga preso na may ginawa silang krimen kaya nakulong.

Napuna ng hari ang isang matipunong lalaki na tahimik lang nagmamasid sa mga pang­yayari. Hindi siya nagsasalita. Lumapit ang hari sa lalaki.

Nahuhulaan ko, napagbintangan ka rin kagaya ng ibang preso.

Hindi po, Mahal na Hari. Nakakulong ako dahil nagnakaw ako.

Bakit ka nagnakaw?

Mamamatay ang aking ina kapag hindi naoperahan pero wala akong pambayad sa ospital kaya nangholdap ako ng bangko.

Kumusta na ang iyong ina?

Namatay po siya. Hindi siya naoperahan dahil nahuli ako ng mga pulis at binawi ang perang ninakaw ko.

Tahimik na nilisan ng hari ang piitan. Ang lalaking nakausap niya ang tanging binigyan niya ng pardon. May paniwala siya na ang taong marunong umamin ng kanyang kasalanan ang may pag-asang magbago. Isa pa, may kasalanan din siya sa nangyari sa lalaki. Ang lahat  ng ospital sa kaharian ay pag-aari niya. Mahal ang bayad sa mga ospital at wala ditong libre. Naimulat ng lalaking iyon ang kanyang mga mata tungkol sa pagmamahal at awa sa mahihirap.

 

Show comments