Dear Attorney,
Maari ba akong maisyuhan ng warrant of arrest kahit wala naman akong natatanggap na subpoena? May nakaaway po kasi ako at pinagkakalat niya na may warrant na raw ako matapos niya akong sampahan ng kaso. Posible po ba ang sinasabi niya kahit wala naman akong natatanggap na kahit ano mula sa korte?— Mike
Dear Mike,
Posible namang maisyuhan ng warrant ang isang akusadong hindi nakatanggap ng subpoena. Magpapatuloy kasi ang preliminary investigation ng fiscal sa kaso kahit hindi natanggap ng akusado ang subpoena sa anumang dahilan.
Kung sadyang hindi mapadalhan ng subpoena ang akusado ay pagpapasyahan na lang ng piskal kung isasampa niya ang kaso sa korte base sa complaint-affidavit na isinampa ng nagreklamo at sa ebidensiyang inihain niya kaugnay nito.
Sakaling isampa ng piskal ang kaso sa husgado ay maaring maisyuhan ng warrant of arrest ang akusado kung makita ng judge na may probable cause laban sa kanya.
Sa sitwasyon mo, malabong mangyari na hindi ka napadalhan ng subpoena lalo na kung hindi ka naman pabagu-bago ng address. Para sa ikakapanatag ng iyong kalooban, mainam na magpunta ka sa prosecutor’s office sa inyong lugar o kung saan maaring isinampa ng kaaway mo ang sinasabi niyang kaso.
Doon ay maari kang magtanong kung may naisampa bang reklamo sa kanilang opisina kung saan ikaw ang akusado. Sakaling mayroon ay maari mo nang malaman ang status nito, kung naisampa na ba ito sa husgado at kung may warrant of arrest na nga ba talaga para sa iyo.