NOONG nakaraang buwan, nilagdaan ni President Duterte ang Executive Order 128 na nagbababa sa tariff rates ng imported na karneng baboy. Ang resulta, bumaha ang imported na karneng baboy at iba pang pork products. Dahil sa pagdagsa ng imported na karne, ang naapektuhan ay ang mga lokal na magbababoy. Nagkaroon sila ng kakumpetensiya at naagawan ng kita dahil sa dami ng imported na karneng baboy.
Ganunman, sa kabila na dumagsa ang imported pork, nagpatuloy din naman sa pagtaas ang presyo nito sa pamilihan. Sa kasalukuyan ang presyo ng li-yempo ay P400. Umaaray na ang mga mamimili sa taas ng presyo. Kung kailan marami ang naghihirap dahil sa pandemya saka naman sobrang taas ng kar-neng baboy. Ang matindi pa rito, dumami ang smugglers ng imported na karneng baboy. Naagawan na ng kita ang local hog raisers, nabawasan pa ang revenue ng pamahalaan dahil sa smuggling ng karneng baboy.
Ganito rin naman ang sasapitin ng local farmers dahil sa paglagda ni President Duterte sa Executive Order No. 135 noong Lunes na nagbababa sa taripa ng imported na bigas. Sa ilalim ng EO 135, limang porsiyento ang ibababa ng taripa sa mga imported na bigas. Sa ginawang ito, ang mga apektado ay ang mga lokal na magsasaka. Dadagsa ang imported na bigas dahil sa pagbaba ng taripa. At tiyak na walang bibili ng mga lokal na bigas sapagkat mas mura ang imported na nasa pamilihan.
Bukod sa naapektuhan ang kabuhayan ng mga magsasaka, apektado rin ang revenue ng pamahalaan dahil sa binabaang taripa. Kung kailan pa kailangan ng pamahalaan ang pondo dahil sa pandemya saka naman ginawa ang mga kakatwang hakbang na ito.
Walang batayan kung bakit ibinaba ang taripa sa bigas. Hindi naman kailangang gawin sapagkat sagana naman ang ani ng bansa at maski walang imported na bigas, hindi magugutom ang mga Pinoy. Maraming dapat linawin sa pagkakaisyu ng EO 135 na ang labis na maaapektuhan ay mga maliliit na magsasaka. Sa ginawang ito, lalo lamang isinulong ng pamahalaan na maging dependent ang bansa sa imported na bigas.
Bawiin ang EO 135 para hindi masadlak sa hirap ang mga magsasaka. Kawawa naman sila lalo pa’t sa kasalukuyan ay nananalasa ang pandemya. Sa halip na umangkat na umangkat, tulungan ang mga magsasaka na makapag-produce pa nang magagandang variety ng palay.