MAHIGIT 20 unggoy ang nakatakas sa isang zoo sa Loffingen, Germany at ilang oras ding naiwasan ng mga ito ang mga awtoridad bago nahuli.
Nakatakas ang 24 na mga Barbary macaques sa kanilang enclosure sa Tatzmania wildlife park, isang zoo na malapit sa border ng Germany at Switzerland.
Ayon sa ulat ng isang local news agency sa Loffingen, nagtaka ang mga residente doon nang makakita sila ng isang grupo ng mga unggoy sa isang public park.
Agad binalaan ng awtoridad ang mga residente roon na huwag lapitan at bigyan ng pagkain ang mga ito.
Umabot ng isang araw bago naibalik ang mga unggoy matapos mahuli ang mga ito na nagpapaaraw sa isang kakahuyan na hindi kalayuan mula sa tinakasang zoo.
Napag-alaman na kaya nakatakas ang mga Barbary macaques ay dahil sa ongoing construction work sa zoo. Sinamantala ng mga ito na bukas ang mga ginagawang bakod ng zoo.
Ang mga Barbary macaques ay isang uri ng mga unggoy na nagmula sa North Africa at endangered species na ang kanilang lahi.