Dear Attorney,
May usap-usapan po na magsasara na ang kompanyang pinapasukan ko. Kung sakaling mangyari po iyon ay marami po kaming mga empleyado ang mawawalan ng trabaho. Sa panahon po ngayon ay mahirap humanap ng malilipatan kaya tanong ko lang po kung maari po bang pigilan ang isang kompanya na magsara lalo na kung marami po sa mga empleyado nito ang mawawalan ng kabuhayan? —Mel
Dear Mel,
Malinaw ang sinabi ng Korte Suprema sa kaso ng Alabang Country Club, Inc. v. NLRC: “just as no law forces anyone to get into business, no law can compel anybody to continue the same.” Ibig sabihin, kung walang batas na magpipilit sa sinuman na magtayo o magbukas ng negosyo, natural na wala ring batas na pipigil sa sinuman mula sa pagsasara ng kanyang negosyo kung wala na siyang nais na ipagpatuloy ito sa anumang kadahilanan.
Isa ang pagsasara ng negosyo sa mga tinatawag na “authorized causes” o mga dahilang pinapahintulutan ng Labor Code para sa pagtatanggal ng empleyado. Bagama’t pinapayagan, kailangan pa rin ang sumusunod na tatlong requirements para maging alinsunod sa batas ang proseso ng pagtatanggal ng empleyado dahil sa pagsasara ng negosyo: (1) written notice sa mga apektadong empleyado at sa DOLE na ibinigay ng hindi hihigit sa isang buwan bago ang nakatakdang pagsasara ng kompanya; (2) totoo ang pagsasara ng negosyo at hindi lamang ito ginawa upang makapagtanggal ng mga empleyado o upang makaiwas sa mga pananagutan ng kompanya o ng mga may-ari nito at (3) ang pagbabayad ng separation pay kung ang pagsasara ay hindi dahil sa pagkalugi.
Ngunit kailangang idiin na sa ilalim ng ating batas, karapatan ng may-ari na magdesisyon kung gusto man niyang isara na ang kanyang negosyo, bunsod man ito ng pagkalugi o sadyang ayaw niya lang itong ipagpatuloy. Ang mga nabanggit na requirements ay itinakda ng ating Labor Code upang maprotektahan lamang ang karapatan ng mga manggagawa at matanggap nila ang kanilang mga dapat matanggap sa ilalim ng batas pero hindi ito para pilitin ang may-ari na ipagpatuloy ang isang negosyo kung ayaw na niya.