Isang babae sa US, nalunok ang kanyang engagement ring habang natutulog!

NANAGINIP isang gabi ang 29-anyos na si Jenna Howell ng San Diego, California na para siyang nasa isang suspense thriller na pelikula. Tumatakbo siya at kanyang fiancé habang hinahabol ng mga masasamang loob habang sakay ng isang high speed train.

Inutusan umano si Jenna ng kanyang fiancé na itago ang kanyang 2.4 carat diamond engagement ring bago pa ito makuha ng mga humahabol sa kanila. Naisipan niyang lunukin ito para hindi manakaw sa kanya.

Pagkagising ni Jenna, nakahinga siya nang maluwag nang malamang panaginip lang ang lahat at bumalik agad siya sa pagtulog. Pero nang sumunod na umaga, napansin niya na nawawala sa kanyang kamay ang engagement ring.

Dahil natatandaan pa niya ang napanaginipan noong nakaraang gabi, nagkaroon na siya ng ideya kung nasaan ito at dumiretso na siya sa ospital para magpa-X-ray. Matapos masuri ng doktor, nakumpirma nga niya na nalunok niya habang natutulog ang kanyang singsing at agad siyang isinailalim sa upper endoscopy.

Ayon kay Jenna, matapos maoperahan at makuha ang engagement ring sa kanyang tiyan, lalo siyang naging excited sa kanyang kasal.

 

Show comments