NAPABALITA ang mga magulang na bumibili ng mga sagot sa tests ng mga anak na nag-aaral sa pamamagitan ng online-learning. Ang layunin nila’y makapasa ang mga anak, kundi man manguna sa klase. Ang tawag dito’y “leakage,” sa madaling salita, pandaraya.
Hindi kaya napag-uunawa ng mga magulang na ito na hindi nila natutulungan ang kanilang mga anak, sa halip ay hinahadlangan nila ang pagkatuto ng mga ito, at higit sa lahat, ay tinuturuan nila ng katiwalian at pandaraya? Ang tunay na layunin ng pag-aaral ay ang dahan-dahan, ngunit tuluy-tuloy na pagkatuto ng bagong kaalaman, abilidad, kaasalan, at iba pa, sa halip na ang basta pagtatapos lamang o pagkumpleto ng mga kinakailangan. Ang ginagraduhan sa pag-aaral ay ang progreso ng pag-unlad ng isang estudyante.
Kung ang mga anak ng mga magulang na bumibili ng sagot sa mga tests ay maging tiwali at mandaraya sa kanilang paglaki, sino ang dapat managot at sisihin? Huwag nilang tanungin kung saan natuto ng pandaraya ang kanilang mga anak, sapagkat ang nagturo nito sa kanila’y sila mismo. Ang kaasalan ng isang tao at mga bagay na itinuturing niyang mahalaga sa buhay o values ay natutuhan niya sa sarili niyang tahanan.
Sa panahong ito ng pandemic, lumutang ang napakahalagang papel ng tahanan sa character building ng isang tao, kung saan ang pangunahing tagapagturo ay ang mga magulang. Ang lugar ng pagkatuto ay nalipat ngayon mula sa eskwelahan tungo sa tahanan. Sinasabi ng ilang eksperto na kinukulang sa academic formation ang mga estudyante dahil sa mga limitasyon ng online learning.
Sa kabilang dako, ang online learning ay nagbubukas naman ng oportunidad sa mga estudyante at magulang na magpahalaga sa integridad at iba pang values. Ang integridad ay ang paggawa ng tama sa lahat ng pagkakataon, may nakakakita man o wala. Para sa akin, ito ang pinakamahalagang uri ng pagkatuto. Higit na kailangan ng isang lipunan ang mga taong malinis ang puso, kaysa mga taong punumpuno ng kaalaman ang utak.
Bakit tayo ang isa sa pinakatiwaling bansa sa buong mundo? Sapagkat nagkukulang sa character building at value formation ang ating mga kabataan. At ang may pinakamalaking kapabayaan ay ang tahanan at eskwelahan. Sa Japan, ang unang ikinikintal sa isip ng mga bata ay ang pagmamahal sa bansa at kapwa, pagpapahalaga sa kanilang kultura at value system.
Kilala ang mga Japanese sa pagiging disiplinado, pagpapahalaga sa dangal, at pagmamahal sa bansa. Kaya naman ang Japan ang isa sa pinakamaunlad at pinakamaayos na lipunan sa buong mundo. Tayo, ang tila madalas lamang nating nabibigyan ng pagpapahalaga ay ang pagmamahal sa sarili, pamilya at kapwa. Tila napakalayo sa ating kamulatan ang pagmamahal sa bansa.
Sa Kawikaan 9:10, ganito ang sinasabi, “Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.” Sa ibang salin ng Bibliya, ang ginamit na salita’y “pagkatakot kay Yahweh.” Ang tunay na karunungan ay nag-uugat sa pagkatakot kay Yahweh. Magiging kapaki-pakinabang lamang ang ating katalinuhan sa sandaling naging matatag na ang ating pundasyong espiritwal na pinag-uugatan ng ating dangal, integridad, katapatan, pagmamahal, pagmamalasakit, at pagsasakripisyo para sa kapakanan ng iba. Ito ang tunay na kapahayagan ng pagiging Kristiyanong Pilipino!