Ang mabait, napupunta sa hell?
MAY isang lalaking ubod ng bait at matulungin. Siya ‘yung tipo ng tao na minamahal ng lahat ng kakilala niya. Ngunit isang araw, ang lalaki ay namatay. Kahit nalungkot ang mga nagmamahal sa kanya, ang konsolasyon nila ay siguradong sa langit ang diretso ng mahal nilang kaibigan.
Sa kabilang buhay, nakarating ang kaluluwa ng lalaki sa Gate of No Return. Mahaba ang pila dahil nagkataong dalawang malaking barko ang lumubog sa magkahiwalay na lugar kung saan 90 percent ng mga pasahero ng bawat barko ay namatay. Nadagdag pa rito ang mga pasaherong nasawi sa bumagsak na eroplano kaya’t aligaga ang nag-iisang anghel na nasa reception desk. Nagkataong first time ng anghel na ma-assign sa ganoong trabaho.
Kapag wala ang pangalan sa listahang naka-print sa computer, ang ibig sabihin noon ay sa hell ipapadala ang kaluluwa. Palibhasa ay hindi sanay sa trabaho at wala pang maayos na sistema ang anghel, hindi niya makita ang pangalan ng mabait na lalaki kaya sa hell ito napapunta.
Sa Hell, basta’t nagpakita ka sa gate, agad kang tatanggapin nang buong katuwaan. Pero makaraan ang matagal-tagal na panahon, biglang sumugod si Lucifer sa opisina ng Diyos. Nanggagalaiti ito sa galit.
“Tine-terrorize mo ba ako?” dumadagundong ang boses ni Lucifer.
“Bakit?” nagtatakang tanong ng Diyos.
“May isa kang kaluluwa na ipinadala sa hell. Simula ng dumating ang lalaking iyon ay bumait ang mga kaluluwa. Dati sumbatan at awayan ang maririnig sa aming impiyerno pero matapos pangaralan ng lalaking iyon ang ibang kaluluwa, natuto na silang magpatawad at magdasal. Ang lahat ay nag-ambisyong mapapunta sa langit. Kaya maaari bang kuhanin na ninyo ang lalaking iyon. Nagkamali kayo ng pagpapadala sa kanya sa hell. Mabuti ang kaluluwang iyon. Kuhanin na ninyo siya bago pa maubos ang mga kampon kong kaluluwa!”
Ang naging aral sa kuwentong ito: Mabuhay na laging may pagmamahal sa kapwa upang kapag nagkamaling maipadala ka sa impiyerno, mismong si Lucifer ang magpuprotesta at mag-aakyat sa iyo sa langit.
- Latest