ISANG kompanya sa Canada ang naghahanap ng mga gustong maging full-time at part-time na mga “candyologists’ na titikim at tetesting sa lasa ng mga produkto nilang candy.
Hindi biro ang balak ipasuweldo ng Candy Funhouse, isang kompanya ng candy sa Ontario, sa mga interesado sa nasabing posisyon.
Nasa $30 (katumbas ng P1,147) kasi kada oras ang kikitain ng mapipiling mag-taste test sa kanilang 3,000 produkto.
Dapat daw ay mahilig talaga sa candy ang mag-a-apply sa posisyon.
Gusto rin ng kompanya na totoo at patas ang magiging pagsusuri ng candyologist sa kanilang produkto.
Wala namang balita kung kasama ba ang pagpapadentista sa mga benepisyong matatanggap ng mapipili para sa posisyon.