Kultura nang walang pakundangang karahasan
BINITBIT ng parang baboy. Tinapakan at sinipa ng parang hayop. Eto ang mga eksenang bumulaga sa social media nitong weekend.
Tampok ang ilang miyembro ng Road Clearing Task Force ng Parañaque City at isang vendor na sangkot sa ginawang operasyon.
Itong mga putok sa buhong ito, nabigyan lamang ng konting kapangyarihan ay akala mo kung sino. Lima laban sa isa! Grabe ang karahasan.
Ito ‘yung sinasabing kultura ng walang pakundangang karahasan. Kahit noong panahon pa ni dating MMDA Chairman, nangyayari na ito.
Kasama ng pananakit ay binubuhusan ng gasolina ang mga paninda ng mga pobreng vendor. May ilang lumapit pa sa BITAG kung saan, inuwi ng mga patay-gutom na miyembro ng task force ang tindang kakanin at gulay ng mga biktima.
Naging maigting ang tinatawag na road clearing operation nitong 2019 kung saan ginawang mandato ni Pres. Rodrigo Duterte.
Layunin nito na linisin, isaayos at tanggalin ang anumang “obstructions” sa mga kalsada sa buong Pilipinas.
Hindi nakasaad sa mandato na puwedeng manakit, mang-abuso, magnakaw, mangulata at mang-aresto na lang basta ng mga pobreng vendor.
Natural lang na pumalag ang mga tindero’t tinderang nasangkot sa clearing operation. Masakit sa kanila na makumpiska ang mga panindang inutang lang ang kanyang pampuhunan.
Nakausap ko kahapon si Parañaque Mayor Edwin Olivarez at sinabi niyang sa loob ng limanng taong clearing operation sa kanyang siyudad ay ngayong lamang ito nangyari.
Dagdag niya, importante ang maximum tolerance sa mga ganitong klaseng operasyon.
Dapat nga raw ay bibigyan muna ng “notice” ang mga vendor na tanggalin ang kanilang mga paninda sa kalsada kung saan ay nakakasagabal sila.
Baka kailangang isaksak ito sa kukote ng hepe ng Clearing Task Force mo, Mayor.
Hindi sapat ang pagsuspinde sa mga tauhan mong umabuso’t gumawa ng karahasan.
Dapat diyan ihilera mo sa media, tanggalin sa serbisyo’t sampahan ng kaso sa ginawa nilang krimen!
- Latest