Egyptian archaeologist, naging milyonaryo dahil sa scorpions!

ILANG taon ang nakararaan, isang Egyptian archaeologist ang nagpasya na iwanan ang kanyang career upang manghuli ng iba’t ibang uri ng alakdan upang pag-aralan ang mga kamandag nito para sa medisina at hindi siya nagkamali sa naging pasya.

Dahil sa ngayon, sa edad na 25, nagmamay-ari na si Mohamed Hamdy Boshta ng isang multi-million company, ang Cairo Venom Company – isang kompanya na nag-aalaga ng mahigit 80,000 uri ng alakdan at ilang mga ahas upang kuhanan ang mga ito ng kamandag.

Gamit ang colored UV light, na-exposed ang mga alakdan sa mahinang kuryente na nagiging dahilan upang maglabas ang mga ito ng kamandag.

Isang gramo ng kamandag ng alakdan ay may kakayahan na makagawa ng 20,000 hanggang 50,000 dosage ng antivenom. Ang antivenom ay ginagamit ng mga ospital bilang panggamot sa mga nakagat ng ahas at iba pang makamandag na hayop at insekto.

Sa kasalukuyan, ang isang gramo ng venom ng alakdan ay naghahalaga ng $10,000 at ine-export ito ni Boshta sa malalaking pharmaceuticals sa Amerika at Europa.

Show comments