Paano mapatotohanan ang tsismis?

BIGLAAN ang pagkikita naming magkaibigan sa isang mall. Nagkumustahan kami hanggang sa napag-usapan namin ang kanyang nag-iisang kapatid. Lumungkot ang kanyang mukha.

“Nabigo sina Tatay at Nanay sa isang ‘yun,” kasunod ang malalim na buntong-hininga.

Matalino ang aking kaibigan. Nagtapos ng cum laude sa UP. Ngayon ay general manager na siya ng telecommunication company. Ang kanyang kapatid na lalaki ay hindi man lang nakatapos ng high school at nakakulong sa Muntinlupa. Drug-related ang kaso. May bigla tuloy akong naalala.

Flashback. Ang tatay nitong kaibigan kong ito ay nagtatrabaho sa gobyerno. Mataas ang posisyon nito. Bulung-bulungan ng mga kakilala, kurakot daw ang tatay niya kaya yumaman. Kasi mahirap pa raw sa daga ang pamilya ng ama niya. Nakapagkolehiyo lang ito dahil sa educational benefit mula sa pagiging gerilya ng kanyang ama.

Laging pinagtsitsismisan ang tatay ng kaibigan kong ito. Daig pa nito ang isang artistang may kontrobersiyang kinasasangkutan. Hindi ko makakalimutan ang palitan ng opinyon ng matatanda habang nag-uumpukan sila sa harap ng tindahan.

“Alam n’yo ba na ang construction materials daw na ginamit sa pagpapagawa ng kanilang limang pintong apartment ay binawas lang daw doon sa mga government projects na hinahawakan ni Amante?”

“Aba’y napakasuwerte naman ng lintek na ‘yan!”

“Sabagay wala namang makakapagpatunay kung totoo o hindi ang mga kuwento tungkol kay Amante. Karma na lang ang makakapagsabi ng katotohanan.”

“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Kung magpapatuloy ang magagandang  pangyayari sa buhay ng pamilya ni Amante, walang katotohanan ang tsismis na kurakot siya. Kung mamalasin sila, true ang tsismis! Dahil bawat bagay na ginawa mo ay may kabayaran.”

              

 

Show comments