Dear Attorney,
Gusto ko po sanang sampahan ng kaso ang asawa ko para sa mga pang-aabuso. Nangangamba lang po ako gawin ito dahil marami po siyang kamag-anak sa mga opisyal ng barangay at baka pilitin lang po ako na makipag-areglo at iurong ang reklamo. May paraan po ba para makapagsampa ako ng kaso ng hindi na dumadaan sa barangay? — Jenny
Dear Jenny,
Hindi mo kailangang mangamba ukol sa pagkakaroon ng asawa mo ng mga kamag-anak sa pamunuan ng barangay niyo dahil ang mga reklamo ukol sa pang-aabuso sa mga kababaihan, mapa-physical, psychological, o economic man ito sa ilalim ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Their Women and Children Act ay hindi na kailangang idaan sa barangay kaya maari na itong isampa kaagad sa korte.
Nakasaad sa Section 33 ng RA 9262 na ipinagbabawal sa sinumang opisyal ng barangay na impluwensiyahan ang nagrereklamo upang iurong na niya ang kanyang reklamo ukol sa pang-aabuso. Ganito rin ang nakasaad sa Section 27, paragraph O ng Implementing Rules and Regulations kung saan tahasan ding nakasaad na hindi kasama ang mga reklamo sa ilalim ng RA 9262 sa mga kaso na kailangang dumaan sa barangay conciliation o settlement.
Base sa mga nabanggit, malinaw na maari mo nang i-diretso sa korte ang anumang reklamo na nais mong isampa ukol sa sinasabi mong pang-aabuso ng iyong asawa
Hindi naman ibig sabihin nito ay hindi na maaring humiling ng tulong sa barangay ang mga kababaihang nakakaranas ng pang-aabuso sa kamay ng kanilang mga asawa o kinakasama. Sa katunayan nga ay maaring mag-isyu ang barangay ng protection order laban sa inirereklamo upang masiguro ang kaligtasan ng isang nakakaranas ng pang-aabuso. Ang mariing pinagbabawal ng batas ay ang pagtatangka ng sinumang opisyal ng barangay na aregluhin ang reklamo.