Dear Attorney,
Matagal na po akong nagpapaupa ng bahay. Dahil tapos na ang kontrata namin ay dapat umalis na ang mga nangungupahan noong isang buwan pa ngunit ngayon ay nagmamatigas na sila. Narinig raw nila sa ibang tao na hindi naman daw ako ang may-ari at wala naman akong titulo kaya wala raw akong karapatang paalisin sila. Maari ba na basta na lang nilang itanggi ang pagmamay-ari ko sa property kahit matagal na silang nangungupahan sa akin?—Melanie
Dear Melanie,
Hindi nila maaring itanggi sa ilalim ng batas ang pagmamay-ari mo sa bahay na inupahan nila sa iyo hangga’t sila’y tenant mo at inookupa nila ang bahay.
Nakasaad kasi sa Rules of Court at sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Samelo vs. Manotok Services, Inc. (G.R. No. 170509, June 27, 2012) na hindi na maaring kuwestiyunin ng mga tenant ang titulo ng kanilang landlord kapag pumasok na sila sa isang lease agreement o kasunduan sa pag-upa. Ipinagpapalagay na kasi ng batas na kinikilala na ng tenant ang titulo ng kanilang landlord nang sila’y nakipagkasundo rito upang mangupahan. Bakit nga naman kasi papasok sa isang kasunduan ng pag-upa ang isang tenant kung hindi naman siya sigurado na ang kausap niya ay ang mismong may-ari ng kanilang uupahan.
Dahil dito, hindi na maaring itanggi ng mga tenant mo ang pagiging may-ari mo sa bahay na inuupahan nila hangga’t inookupa nila ito. Ito’y kahit pa totoo ang sinasabi nilang wala ka namang titulo at hindi naman talaga ikaw ang nagmamay-ari sa property.
Kung ako sa iyo ay magpapadala na ako ng liham sa mga tenant mo kung saan nakasaad na pinaaalis mo na sila, upang makapagsampa ka na ng kaso kung sakaling sila’y magmatigas pa rin. Napakalaki nang tsansa na ikaw ay papaboran ng korte dahil hindi naman maaring gamiting depensa ang sinasabi nilang hindi ikaw ang may-ari ng bahay o na wala ka namang titulo rito. Basta’t maipakita mo ang lease agreement na pinirmahan n’yo at makitang paso na ito ay pihadong ipag-uutos na ng korte ang pagpapaalis sa kanila.