MISMONG mga residente na ng Guinobatan, Albay ang nagsumbong kay President Duterte na ang quarrying operations sa ilog ang dahilan kaya nagkaroon ng grabeng pagbaha sa lugar na ikinamatay ng apat na tao nang manalasa ang bagyong Rolly noong Linggo. Ang Albay ay isa sa mga probinsiya sa Bicol Region na grabeng sinalanta ng bagyong Rolly.
Nagtungo ang Presidente sa Guinobatan noong Lunes at nalaman niya sa mga tao roon na ang quarrying operations sa ilog na nasa paligid ng Mayon Volcano ang naging dahilan para mabilis na bumulusok ang tubig, bato at lahar sa mga kabahayan.
Maraming bahay ang nabaon sa putik at bato. Sabi ng mga residenteng nakaligtas, akala raw nila ay katapusan na nila sapagkat malalaking bato ang kasamang inanod at humampas sa kanilang mga bahay. Mayroong mag-asawang matanda na nakaligtas nang butasin nila ang kanilang bubong at doon nagdaan para makalabas. Ngayon lang daw nangyari ang ganung delubyo sa kanilang lugar na pati malalaking bato ay inanod.
Ipinatigil na ni DENR Sec. Roy Cimatu ang pagku-quarry sa Guinobatan kasunod ng utos ng Presidente. Nalaman ni Cimatu na 11 quarrying operators ang nagsasagawa ng quarrying. Nabatid din ng DENR Secretary na bago ang pananalasa ng Bagyong Rolly, hindi inalis ng quarry operators ang kanilang mga equipment sa ilog kaya nang bumaha, kasamang inanod ang mga ito. Rumagasa sa mga bahay kasama ang mga bato.
Nakapagtataka kung paano nabigyan ng permit para makapag-quarry ang 11 quarrying companies. Napakairesponsable nila na iniwan pa ang mga equipment sa ilog gayung may anunsiyo na ang PAGASA na isa ang Albay sa dadaanan ng Bagyong Rolly. Nararapat na imbestigahan pa ni Cimatu kung talaga bang may permit ang nagku-quarry.
Hindi dapat palampasin ang nangyaring ito. Mismong mga residente na ang nagsabing ang pagku-quarry ang naging dahilan kaya nagkaroon nang malaking baha sa kanilang lugar. Sila na ang nagpapatotoo kaya mas mabuti kung ititigil nang tuluyan ang operations ng quarrying companies. Huwag hayaan ang mga iresponsable na sirain ang kapaligiran.