KINAKAILANGANG mag-double time at talagang magising na kung natutulog man sa pansitan ang Security Exchange and Commission (SEC).
Kung sa BITAG pa lamang, dagsa na ang reklamo laban sa mga bastos, mapang-abuso, at mandudurong tele-collectors ng mga online lending company. Sigurado ako, lalo na sa talaan ng SEC.
Kung mabilis lang sanang kumilos ang ahensiyang ito laban sa mga putok sa buhong online lending na ito, hindi na siguro manghihimasok ng mga tulad namin sa BITAG.
Matapos naming maipalabas ang aktuwal na pakikipag-usap ko sa bastos na kolektor ng PesoPop, sunud-sunod ang mga sumbong na natatanggap ng BITAG.
Pati mga kapwa kolektor na hindi masikmura ang kabalahuraan sa paniningil ng mga kapwa ahente, lumalapit sa amin para ilantad ang pagmumukha ng mga hinayupak.
Sinong hindi magagalit, sa halagang mula P1,000 hanggang P5,000 bababuyin, sasalaulain ang pagkatao mo nitong mga balahurang kolektor na ito.
Nakikiusap ang mga kliyente na mali-late lamang ng oras ng pagbayad o ‘yung iba naman na talagang tinamaan ng malas ng pandemya’t nawalan ng hanapbuhay, hindi makaintindi ang mga hijo de kutsinta!
Ilang recorded conversation na ang ipinadala sa BITAG mula mismo sa mga biktimang sinisingil, mga screen shots ng pagmumura, pananakot at pamamahiya ng mga online lending collector.
Hindi mo masisikmura ang tabas ng dila ng mga ito. Dahil sa nagkaroon sila ng access sa iyong contacts sa cell phone at social media, ipapahiya ka ng mga hinayupak na ito para ipangalandakan ang iyong utang.
Nakakabahala ang pagdami ng mga biktima. Ngayong pandemya, imbes magbigay ng palugit at pang-unawa, dumadagdag sa panggigipit at hirap ng sitwasyon.
Meron na raw sinampolan ang SEC. Sumbong ng ilan, mga nagsipagpalit lang ng pangalan at tuloy na naman sa kanilang pambabarubal.
Dapat matigil na itong mga online lending apps na naglipana sa mobile application at social media accounts. Eto ‘yung mga predators na naglalatag ng kanilang patibong sa internet para may masilo.
Kaya ang BITAG, nagdeklara na ng giyera laban sa mga kompanyang ito, ganundin sana ang SEC. May horror list na ang BITAG ng mga online lending company na ito at sana ganundin ang SEC.
Kaya sa SEC, kilos-pronto!