Isang araw, may binatilyong nagtanong kay Socrates.
“Ano po sekreto para magtagumpay?”
“Bukas ay magkita tayo para masagot ko ang katanungan mo.”
Kinabukasan ay nagpunta ang dalawa sa ilog.
Lumusong sila sa ilog at nang hanggang leeg na ang tubig ay biglang isinubsob ni Socrates ang ulo ng binatilyo sa tubig.
Mas malakas si Socrates kaya’t kahit magkakawag ang binatilyo para maiahon ang kanyang mukha sa pagkakasubsob sa tubig ay wala itong magawa.
Pagkaraan ng ilang segundo ay binitawan ni Socrates ang ulo ng binata na halos mawalan ng ulirat sa pagkakasubsob sa tubig.
“Ano ang unang bagay na hinangad mo noong nakasubsob ka sa tubig?”
“Hangin” tugon ng binatilyo.
“Paano mo mailalarawan ang pangangailangan mo ng hangin kanina?”
“Gagawin ko ang lahat maiahon ko lang ang aking mukha para makahinga.”
“Kagaya ng nagliliyab mong pagnanasang makalanghap ng hangin, dapat ay mayroon ka rin ganoong klaseng pagnanasa na matupad ang iyong pangarap. Iyon ang sekreto para magtagumpay.”
Lagi nating tandaan, hindi maluluto ang pagkain kung aandap-andap lang ang apoy.
Kailangan ay lumiliyab ito para maluto ito nang mabilis at maayos.
“Ambition is the path to success. Persistence is the vehicle you arrive in.”
– Bill Bradley