^

Punto Mo

Kumakain ka pa ba ng liver spread?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

NOONG maliit na bata pa ako, isa sa nakagisnan kong kainin sa almusal ang mainit na pandesal na may palaman kasama ng mainit na baso ng  gatas o tasa ng  kape o tsokolate. Maraming Pilipino rin ang nakagawiang, kung walang palaman, sapat na ang isawsaw sa kape ang tinapay bago isubo sa bibig.

Karaniwan namang ipinapalaman ng iba sa tinapay ang keso, mantikilya, itlog, peanut butter, matamis na bao, sandwich spread o kaya kung minsan ay pansit. May mga tao na nagpapalaman ng gatas na kondensada o sardinas sa kanilang tinapay. Marami pang ibang ipinapalaman sa tinapay. Nandiyan halimbawa ang hotdog, ham, bacon at spam o karne norte.

Sa nagdaang maraming dekada, isa na rin sa nakagawian at nakasanayan at paboritong palaman ng mga Pilipino sa tinapay ang de latang liver spread. Masarap at malinamnam kasi ito na hindi lang ginagamit na pampalaman kundi isinasangkap na rin bilang pampalasa sa ilang ulam gaya ng kaldereta. Hindi lang sa almusal ito kinakain kundi pangmeryenda rin. Magaang dalhin at buksan kahit saan na ibinabaon din ng ibang tao sa pagpasok nila sa trabaho o sa eskuwelahan.

Isa ngang kilalang brand ng liver spread na maraming dekada nang tinatangkilik ng mga Pilipino ang napabalita kamakailan nang magbabala sa publiko ang Food and Drug Administration na huwag tangkilikin ang pagkaing ito. Hindi umano rehistrado sa FDA ang naturang brand na ibig sabihin ay hindi ito dumaan sa kaukulang proseso ng pagsusuri kaya hindi matitiyak ng ahensiya na ligtas itong kainin.

Maraming Pinoy siyempre ang nagulat at pumalag dahil, sa kabila ng nagdaang mga dekada mula noong 1958 at mahabang panahong pagtangkilik nila rito, ngayon lang nalaman at ipinahayag ng FDA na hindi rehistrado ang liver spread na ito. Meron lang license to operate ang kompanyang gumagawa nito. Pero iyong produkto ay walang rehistro. Patutsada nga ng ibang netizen, buhay pa naman sila at hindi nagkakaroon ng sakit na may kaugnayan sa liver spread na ito at bakit ngayon lang?

Sa mga pahayag ng FDA, wala naman itong binanggit kung merong sangkap sa naturang liver spread na nakakasama sa kalusugan. Maliban na lang marahil sa ito ay gawa sa atay ng hayop na masama sa mga nirarayuma. Mataas kasi ang purine level ng atay na nagpapataas ng uric acid na nagdudulot ng gout o rayuma.  Ang ikinakatwiran nga lang ng ahensiya ay hindi ito rehistrado sa kanila.

Hindi ko alam kung epektibo ang babala at pagbabawal ng FDA sa pagkain nito. May mga tindahan pa rin naman tulad ng sari-sari store na nagtitinda ng liver spread na ito bagaman napaulat na tinatanggal na ito sa ilang supermarket. Ibang usapin kung patuloy pa itong tatangkilikin ng mga konsyumer o hindi. Wala pang napapaulat na pag-aaral sa epekto ng liver spread sa kalusugan maliban sa mga pag-aaral na may kaugnayan sa atay na nagpapahiwatig sa mga sustansiyang makukuha rito, mayaman sa protina at mababa sa calories.

Pero baka naman maayos  ang gusot sa kontrobersiyal na brand ng  liver spread kung rehistrasyon lang ang isyu at aksyunan ito ng manufacturer ng popular na palaman na ito. Hindi malayong mangyari ito.  Kung baga, may mga papeles lang na dapat ayusin at suriin ang liver spread na ito kung wala bang masamang epekto sa kalusugan bagaman wala namang ulat na nagkasakit dahil dito.

Email: [email protected]

 

LIVER SPREAD

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with