Ano ang mangyayari kapag hindi sumisipot sa korte ang nagreklamo?

Dear Attorney,

Inakusahan po ako ng pagnanakaw ng aking dating amo. Wala pong katotohanan ang bintang sa akin at sa tingin ko ay idinemanda lang po ako dahil sa aming naging personal na alitan. Ngayon po ay dinidinig na sa korte ang kaso ko ngunit ilang beses na pong hindi sumisipot ang dati kong amo na nagsampa ng kaso sa akin. Kahit isang witness ay wala pang naihaharap sa korte upang tumestigo laban sa akin. Ano po kaya ang mangyayari sa kaso ko?— Ben

Dear Ben,

Depende iyan kung ilang beses na bang hindi sumisipot ang nagreklamo sa iyo at anong dahilan ng kanyang hindi pagsipot. Kung ilang beses pa lang naman, hindi naman paulit-ulit, at may maganda namang dahilan ay maaring palampasin ng judge ang hindi pagsipot ng dati mong amo sa pagdinig ng kaso ninyo.

Ngunit kung paulit-ulit na ang kanyang hindi pagsipot at wala naman siyang magandang rason para rito ay maaring ma-dismiss o ibasura na ang kaso lalo na kung hanggang ngayon ay wala pang kahit isang testigo ang naihaharap laban sa iyo.

Kapag labis na kasing tumatagal ang pagdinig sa isang criminal case dahil sa paulit-ulit na pagkaantala na hindi naman kasalanan ng nasasakdal ay maaring sabihin na nalabag ang “right to a speedy trial” o ang ang karapatan sa mabilis na paglilitis ng isang nasasakdal sa ilalim ng Section 14(2), Article III ng ating Saligang Batas.

Kaya kung magpatuloy pa ang hindi pagsipot ng nagrereklamo ay malamang na hihilingin na ng iyong abogado na i-dismiss na ang iyong kaso dahil sa paglabag sa iyong right to a speedy trial, na ginagaranitya ng ating Saligang Batas upang maproteksyunan ang mga katulad mong nasasakdal mula sa mapang-abusong pagkaantala sa paglilitis.

 

Show comments